Foreign direct investment pumalo sa six-month high – BSP

Foreign direct investment pumalo sa six-month high – BSP

January 11, 2023 @ 10:41 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pumalo sa pinakamataas na lebel sa loob ng anim na buwan ang foreign direct investments sa bansa nitong Oktubre ayon sa inilabas na datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa kabila nito, hindi pa rin umano ito sapat upang bawiin ang sunod-sunod na pagbaba sa mga nagdaang buwan.

Ayon sa BSP, naitala ang FDI net inflows sa $923 milyon noong Oktubre 2022, mas mataas sa $626 milyon noong Setyembre at $868 milyon noon namang Oktubre 2021.

Ito na ang pinakamataas na net inflows mula sa $1.024 bilyon na naitala noong Abril 2022.

“Despite the global economic headwinds, FDI net inflows rose on account of the increase in non-residents’ net investments in debt instruments and equity capital of their local affiliates,” pahayag ng BSP.

Ang pinakamalaking capital placements sa nabanggit na buwan ay mula sa Japan, sinundan ng Estados Unidos at Singapore na nakalaan sa financial at insurance, manufacturing at real estate sector.

Dahil dito ay umakyat sa $7.635 bilyon ang cumulative net inflows mula Enero hanggang Oktubre, o 8.3% na pagbaba mula sa $8.3-billion net inflows sa kaparehong panahon noong 2021.

Nauna nang sinabi ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) nitong Disyembre, na target nila ang $128-billion halaga ng FDIs sa bansa sa pagtatapos ng 2030. RNT/JGC