Foreign direct investments sa bansa, bumaba – BSP

Foreign direct investments sa bansa, bumaba – BSP

December 12, 2022 @ 1:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bumaba nitong Setyembre ang foreign direct investments (FDI) sa bansa.

Dahilan na rin ito ng mas mababang inflow sa debt instruments sa nabanggit na buwan, batay sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes, Disyembre 12.

Ang FDI net para sa buwan ng Setyembre ay nasa $626 milyon o mas mababa sa $774 milyon noong Agosto.

Mas mababa rin ito sa $680 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

“The decline in FDI net inflows reflected the decrease in non-residents’ net investments in debt instruments, which more than offset the growth in their net equity capital placements,” pahayag ng BSP.

Samantala, tumaas naman ang net equity placements sa $187 milyon noong Setyembre sa $31 milyon noong Agosto na karamihan ay pawang mula sa Singapore, Japan at United States.

Karamihan sa mga ito ay nakadirekta sa mga industriya ng financial at insurance, manufacturing at real estate.

Dumausdos din sa $351 milyon ang net debt instruments mula sa $577 milyon noong Agosto, mababa pa rin sa $555 milyon na naitala sa buwan ng Setyembre noong nakaraang taon.

“FDI remained subdued amid lingering concerns on global economic slowdown, higher inflation, and the depreciation of the peso,” ayon pa sa BSP.

Nitong buwan lamang, sinabi ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) na target nito ang $128-bilyon nsa halaga ng FDIs sa bansa sa pagtatapos ng 2030. RNT/JGC