Foreman ninakawan na, pinagsasaksak pa sa Navotas, todas!

Foreman ninakawan na, pinagsasaksak pa sa Navotas, todas!

February 1, 2023 @ 10:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Todas ang isang foreman matapos pagsasaksakin ay ninakawan pa ng hindi kilalang suspek sa loob ng isang ginagawang bahay sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Raffy Almero, 50, ng of Kasunduan Ext. Brgy Commonwealth, Quezon City.

Batay sa report ni PSSg Levi Salazar kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Lot 149, Blk-25 , Ph-2,A-4, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.

Sa pahayag ng saksing si Raymond Villapa, 49 ng Blk 50, Brgy. 8, Caloocan City kay PSSg Salazar, titignan sana nila ng kanyang asawa ang pinapagawa nilang bahay sa nasabing lugar nang makita nila ang isang lalaki na nakasuot ng itim na damit at nasa 5’7 ang taas na nakatayo sa lugar.

Tinanong niya ang lalaki kung nasaan ang biktima at sumagot naman ang suspek, “Di ko po alam baka tulog na” kaya nagpasaya na lamang ang saksi na pumasok sa kanilang bahay.

Dito, nakita ng saksi ang biktima na duguan habang nakahiga sa sofa na naging dahilan upang agad nilang isinugod sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nawawala ang mga personal na gamit ng biktima habang patuloy naman ang follow-up investigation para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na tumakas sa hindi matukoy na lugar. Boysan Buenaventura