Forklift operator binoga ng nakaalitang sekyu

Forklift operator binoga ng nakaalitang sekyu

June 24, 2022 @ 4:08 PM 1 week ago


SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Himalang nakaligtas kay kamatayan ang isang 30-anyos na forklift operator makaraang barilin ng nakaalitan nitong security guard sa loob ng kanilang opisina sa Barangay Bantug, dito, noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Robin Verdadero, may live-in partner ng Brgy. Sibut, San Jose City, NE, na isinugod sa hindi pinangalanang pagamutan.

Naaresto naman ng pulisya rito ang sekyu na suspek na si Jeremy Ferrer, 21, may-asawa ng Brgy. Villa Isla, ng lungsod na ito.

Sa imbestigasyon nabatid na kapwa nagtatrabaho ang dalawa sa Governors Enterprise, isang San Miguel Brewery Sales Office, sa nasabing lugar, nang bandang alas-7:05 ng umaga ng Huwebes ay nagkaroon ng alitan ang dalawa na nauwi sa suntukan ng mga ito.

Hindi nagtagal ay tumakbong palayo ang suspek sa biktima hindi para sumuko sa kanilang away bagkus ay nagtungo sa kanyang motorsiklo at dali-daling kinuha ang isang short firearm at pinaputukan ang biktima.

Kasong frustrated murder ang inihahandang kaso laban sa suspek. Ver Sta. Ana