Foundation nagbigay ng P100M donasyon sa mass testing sa NCR

Foundation nagbigay ng P100M donasyon sa mass testing sa NCR

January 19, 2022 @ 11:30 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Nagpamahagi ang kompanyang Pitmaster Foundation, sa pamumuno ng kanilang chairman at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ng P100 million na donasyon para sa mass testing at COVID response assistance sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region.

Layunin nito na para ang maaaring kauna-unahang mass testing program sa bansa na pangungunahan ng pribadong sektor.

Itinurn over ng foundation kay Metro Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, Department of Health, Director for NCR at Chairman ng Inter-Agency Taskforce (IATF) Sub-task Group on Community Response, at DILG Undersecretary Epimaco Densing, na siya ring nagpasinaya ng kahilingan sa Foundation.

Pinangunahan naman ni Atty. Caroline Cruz na Chairman ng Foundation ang nasabing turn over ceremony.

 “Iginiit ni Chairman Ang na pondohan ang mass testing sa NCR para maagapan ang paglaganap ng COVID-19 infections. Sa ganitong paraan, mananatiling bukas ang ekonomiya at mapoprotektahan ang mga manggagawa sa pagkawala ng hanapbuhay at pagkakakitaan,” pahayag ni Cruz.

“Nakita ng aming Chairman ang kahirapang idinulot ng lockdown. Kumonsulta kami sa pamahalaan at public health experts. Ang natatanging paraan para maiwasan ang isa na namang lockdown ay gawing manageable ang mga kaso ng COVID. Mass testing ang paraan dito na hindi kinakailangan ng quarantine. Mapapanatili nitong nasa mga tahanan ang mga nag-positibo habang nakakapag-hanapbuhay naman ang iba pa,” paliwanag pa ni Cruz.

“Pinapahalagahan ng aming Chairman ang dignidad ng bawat pamilyang Pilipino, at ang kakayahang mag-hanapbuhay ay dignidad na maituturing. Kung hindi makakapagtrabaho ang mga tao, pakiramdam nila ay wala silang laban,” dagdag pa niya.

Nabanggit din ni Cruz ang pag-aaral mula sa Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) na nagsasabing mass testing “is the way forward in lifting quarantines” o ang daan para maalis ang quarantines.

“Nakatanggap kami ng suporta mula sa mga pangunahing opisyal at mga alkalde sa Metro Manila, na itinuturing ne economic heart sa bansa, kung paano uusad sa programa para maging strategic ang testing. Itinuturing namin itong high-impact intervention mula sa Foundation, at kami ay laging handang tumulong,” dagdag ni Cruz. “Masigasig si Chairman Charlie Ang sa responsibilidad na ito dahil tapat ang kaniyang hangaring tumulong at gusto rin niyang mapabilis ang mass testing,” sabi pa ni Cruz.

Maliban sa testing kits, mag-aabot din ng ayuda ang Foundation para sa COVID response ng mga alkalde.

“Alam ng mga lokal na pamahalaan ang mga pangangailangan sa kanilang mga lugar. Patuloy kaming makikipagugnayan sa mga LGU para magamit ang aming resources, networks, at volunteers para matulungan sila sa implementasyon ng programa.”

“Ito ay pangunahing prayoridad ng aming chairman, at inatasan niya kami na gawin ang lahat ng aming makakaya para maging matagumpay ang inisyatibong ito.” RNT