FPIC process para sa renewal ng MPSA ng Ipilan Nickel Corporation, isinasagawa

FPIC process para sa renewal ng MPSA ng Ipilan Nickel Corporation, isinasagawa

July 27, 2022 @ 12:27 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangangasiwaan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang kasalukuyang mga serye ng Community Consultative Assembly (CCA) para sa napipintong renewal ng Mineral Production Sharing Agreement ng Ipilan Nickel Corporation sa ilalim ng MPSA NO. 017-93-IV.

Ang nasabing mga aktibidad ay bahagi rin ng proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) sang-ayun na rin sa NCIP Administrative Order no. 3 Series of 2012, upang pagkalooban ang nasabing kompanya ng Certification Precondition (CP) para sa renewal ng proyektong pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation (INC).

Ang nasabing konsultasyon ay isinasagawa sa mga Indigenous People o katutubong
Palaw’an mula sa mga Barangay ng Aribungos, Barong-barong, Ipilan, Mambalot, Maasin
at Calasaguen na syang sakop ng Lugtang Kagurang-gurangan ng mga katutubo na sakop
ng MPSA ng nasabing kompanya. Sa kabuuan ay apat na konsultasyon ang magaganap
sa bawat barangay na nabanggit.

Ang mga serye ng ikalawang konsultasyon na ginanap nitong buwan ng Hulyo sa anim na
mga barangay ay inilaan sa Ipilan Nickel Corporation, bilang proponente, upang ipaliwanag ang kanilang proyekto, maipakita ang mga pamamaraan para maibsan ang mga pangamba ng mga katutubo at mga residente at maiprisinta ang mga programa at proyekto na maaaring mapakinabangan ng IP Community sa mga nasabing barangay mula sa royalty
na kanilang matatanggap mula sa kompanya, na mandato ng gobyerno.

Ito ay dinaluhan ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point, Palawan, representante mula sa Environmental Legal Assistance Center (ELAC) at Conservation International (CI) sa imbitasyon ng mga katutubo, at ng kasalukuyang regional director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) MIMAROPA Region na si Eng. Glenn Marcelo Noble.

Ang mga nasabing represente ay nabigyan ng sapat na pagkakataon upang magbigay ng mga kaakibat na impormasyon at linaw sa mga isyu hinggil sa usapin ng mina at karapatan ng mga katutubo.

Pagkatapos ng presentasyon ng INC, ELAC at CI ay nagkaroon ng malayang talakayan at
binigyan ng pagkakataon ang mga katutubo na ipaabot ang kanilang tanong at sentimyento
na sya ring sinagot ng mga representante ng INC at iba’t-ibang grupo.

Tinuldukan din ng INC ang ilang mga isyu na ibinabato laban sa kanila, partikular ang
usapin kaugnay sa Certification Precondition ng kompanya. Ayon sa external counsel ng
INC, pinanghahawakan nila ang pahayag ng NCIP na ang kompanya ay hindi na
kailangang kumuha ng CP dahil ang MPSA nito ay na-aprubahan noong 1993, bago pa
maisabatas ang Indigenous Peoples’ Rights Act. Sa madaling sabi, ang INC ay hindi saklaw
sa pagkuha ng CP para sa nauna nitong MPSA na magtatapos sa taong 2025. Ito ay base
na rin sa tugon ng NCIP mula sa aplikasyon ng kompanya para makakuha ng CP na
ginawa noong 2006.

Ang mga katutubo na rin ang syang nagtatakda ng schedule ng mga serye ng
konsultasyon. Sa unang linggo ng Agosto, 2022 nakatakda ang mga serye ng ikatlong
konsultasyon at dito ay isasagawa ang consensus building o ang pagbubuo ng kapasyahan
ng mga katutubo. Sakaling sila ay hindi pa magkasundo, magsasagawa pa ng ika-apat at
huling serye ng konsultasyon at sa pagkakatong iyun sila ay gagawa na ng kanilang
desisyon kung sila ba ay papayag o hindi sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.

Sa pagmamasid ng mga dumalo, malawak, malaya at makabuluhan ang mga
isinasagawang pagtitipong ito.