FPRRD ginawa lang ang tungkulin vs droga BONG GO: INILIGTAS NIYA KINABUKASAN NG KABATAAN

FPRRD ginawa lang ang tungkulin vs droga BONG GO: INILIGTAS NIYA KINABUKASAN NG KABATAAN

February 19, 2023 @ 3:29 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – LUBOS na pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go si dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pangunguna sa paghahain ng House Resolution No. 780 na nagdeklara ng “unequivocal defense” para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa imbestigasyon o pag-uusig ng International Criminal Court.

“Unang-una, nagpapasalamat po ako kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga kasamahan niya sa Kongreso sa patuloy na tiwala at suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga residente sa Quezon City.

Kasunod ng awtorisasyon ng ICC para sa Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito sa giyera kontra droga ng bansa sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte, iginiit ni Go na kumilos lamang si dating Pangulong Duterte para sa ikabubuti ng bansa, ng mga mamamayan nito, gayundin upang protektahan ang kinabukasan ng mga nakababatang henerasyon ng mga Pilipino.

“Ako po bilang naging parte po ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte bago ako naging senador, alam ko naman po na ginawa lang po ni (dating) Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para po sa kaligtasan ng ating mga anak. Alam n’yo, ginawa n’yo po ang sakripisyo para po ‘yon sa future ng ating mga anak,” idiniin ni Go.

Muli rin niyang iginiit na ang mamamayang Pilipino ang dapat humatol sa pagpapatupad at resulta ng giyera sa droga sa Pilipinas, hindi ang korte ng ibang bansa.

“Kayo na po ang humusga. Kung mas nakalalakad ba kayo sa gabi na hindi nababastos ang inyong mga anak at hindi nasasaktan. Ginawa po ni (dating) Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya at sakripisyo para po sa kinabukasan ng ating mga anak,” anang senador.

“Gaya ng sinabi ko noon, hayaan na lang natin ang ating kapwa Pilipino at hindi po ang banyaga para humusga sa ginawa n’ya po noong unang panahon,” idinagdag niya.

Matatandaang sinabi ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na tumanggi si Duterte na litisin ng mga dayuhang entity hanggang handa at kaya naman itong gawin ng mga korte ng Pilipinas.

“Abogado po si (dating) Pangulong Duterte at mas gusto niya na hahatulan siya ng kanyang kapwa Pilipino sa korte ng Pilipinas sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas,” iginiit ni Go.

“Bakit ibang bayan po ang huhusga sa atin, eh, may sarili naman tayong batas? At ako po ay naniniwala at tiwala sa ating judicial system,” dagdag ng mambabatas.

“Buhay na buhay ang demokrasya sa ating bansa, mayroon tayong rule of law na pinapairal, at may sarili tayong mga korte na nananatiling malaya at mapagkakatiwalaan,” paliwanag niya,
Si Arroyo, kasama ang 18 iba pang mambabatas, ay naghain ng HR 780, pinamagatang “A Resolution In Defense of former President Duterte, the 16th President of the Philippines, Against Investigation and/or Prosecution of the ICC.”

Nakasaad sa resolusyon ang maraming nagawa ng administrasyong Duterte bilang resulta ng holistic at whole of nation approach nito sa pagsupil sa insurhensiya at pagsugpo sa banta ng iligal na droga sa bansa.

Sinabi naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang intensyon ng ICC na muling buksan ang pagsisiyasat nito sa giyera kontra droga ni Duterte ay nakaiinsulto at hindi katanggap-tanggap sa pagsasabing ang bansa ay may gumagana at independiyenteng sistema ng hustisya.

Noong 2019, umalis ang Pilipinas bilang kasapi ng ICC.

Nang tanungin kung may kahalintulad na resolusyon na ihahain sa Senado, sinabi ni Go na ipinauubaya na niya sa kanyang mga kasama ang pagpapasya.

“Mas mabuti po sigurong ang iba kong kasamahan kasi self-serving (kung ako). Dati po kaming magkasama ni (former) President Duterte. Basta ako po, ‘yun po ang aking statement bilang senador — ginawa po ni (dating) Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya para sa ikabubuti ng bansa,” ani Go.

“Pilipino na po ang bahala sa kanya. Hinihikayat ko po ang ating mga kababayan na ipaglaban po natin si (dating) Pangulong Duterte dahil ginawa niya po ang kanyang trabaho para sa ating mga kababayan,” ayon pa sa senador. RNT