France magbibigay ng 2M euros para sa ‘Odette’ relief ops sa Pinas

France magbibigay ng 2M euros para sa ‘Odette’ relief ops sa Pinas

December 31, 2021 @ 3:24 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Magbibigay ang France ng 2 milyon euros (tinatayang P115.4 milyon) na tulong para sa relief efforts kasunod ng pananalasa ng bagyong Odette sa Pilipinas.

“France stands alongside the Filipino people,” pahayag ng Embassy of France sa Pilipinas nitong Biyernes.

Ayon pa sa embahada, mamamahagi ang French Ministry for Europe and Foreign Affairs, sa pamamagitan ng Crisis and Support Center (CDCS) nito, ng 1 milyong euros ng emergency aid upang suportahan ang mga aksyon ng French humanitarian non-governmental Organization Agency for Technical Cooperation and Development and the French Red Cross, sa Philippine Red Cross.

Kabilang sa naturang tulong ang pamamahagi ng libo-libong family at hygiene kits, maging materyales para sa emergency rehabilitation ng napinsalang mga tahanan sa probinsya ng Surigao Del Norte, Palawan, at Bohol.

Maglalaan din ang French government, bilang tugon sa apela ng United Nations, ng 1 milyong euros sa World Food Programme at sa UN Children’s Fund.

Mahigit 4.2 milyong indibidwal o 1.08 milyong pamilya ang napinsala ng bagyong Odette, na humagupit sa bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao halos dalawang linggo na ang nakalilipas. RNT/SA