Frat members tumangging dalhin si Salilig sa ospital – saksi

Frat members tumangging dalhin si Salilig sa ospital – saksi

March 7, 2023 @ 6:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilahad ng neophyte ng Adamson University chapter ng Tau Gamma Phi fraternity na hindi sumunod ang mga miyembro sa mungkahi na dalhin si John Matthew Salilig sa ospital matapos makaranas ng seizures.

“Nag-request po ako sa kanila na baka puwedeng dalhin sa ospital, pero nagalit po sila sa akin kasi bawal daw po ‘yun,” paglalahad ni Roi dela Cruz said sa hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights nitong Martes.

(Larawan kuha ni Cesar Morales)

Sa initiation, sinabi ni Dela Cruz na idinadaing na ni Salilig ang sakit ng kanyang tiyan, subalit itinuloy pa rin ang hazing.

Matapos ang hazing rites, sinabi ni Dela Cruz na dinala sila ng senior fraternity members sa bahay ng isang alyas Scotty sa Parañaque City para magpahinga.

Tumanggi si Salilig na pumasok sa loob at nagpaiwan sa blue SUV, base kay Dela Cruz.

Makalipas ang ilang minuto, sinabi ni Dela Cruz na tiningnan niya si Salilig at naabutan itong kinokombulsyon. Nawalan ng malay si Salilig, habang sinubukan siyang gisingin ng ibang fraternity members.

“Pagkababa ko, doon na po nagsi-seizure si Matt. Wala na siyang malay. Sinusundot nila ‘yung bibig until noong nawalan ng malay, inakyat nila sa kuwarto,” paglalahad niya.

(Larawan kuha ni Cesar Morales)

Sa hearing, sinabi ni Daniel Perry, umano’y master initiator, na hindi sila makapagdesisyon kung dadalhin si Salilig sa ospital.

Sinabi ni John Salilig, kapatid ng 24-anyos na chemical engineering student, na ang huling contact nila kay Salilig ay noong Feb. 18, alas-10 ng umaga. Makalipas ang ilang araw, natagpuan ang kanyang bangkay sa Brgy. Malagasang sa Imus City, Cavite.

Sa kasalukuyan ay hawak na ng mga awtoridad ang pitong suspek, habang tinutugis pa ang 10. RNT/SA