Freedom of Speech, ‘wag gamitin sa paninirang puri – solon

Freedom of Speech, ‘wag gamitin sa paninirang puri – solon

December 7, 2022 @ 12:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi dapat gagamitin ang freedom of speech o malayang pagpapahayag upang sirain ang katauhan ng isang tao at yurakan ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impormasyon, ayon kay Senador Robin Padilla.

Sa ginanap na magkasanib na pagdinig ng  Senate Committees on Public Information and Mass Media and Justice and Human Rights sa Senate Bill No. 1296, na naglalayong gawing krimen ang paglikha at pagkakalat ng fake news sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa   Republic Act 10175 o ang  Cybercrime Prevention Act of 2012, sinabi  ni Padilla na hindi dpat abusuhin ang freedom of speech kaya’t nararapat na parusahan ang nagkakalat ng disinformation.

 “Hindi pwedeng kapag sinabi nating kalayaan pwede mo nang tapak-tapakan ang kapwa mo, gumawa ka ng imbento, hindi naman siguro ganun. Kailangan talaga pag sinabing kalayaan e pantay-pantay tayo diyan. Di pwede yan na wala tayong susundin na batas kaya tayo may batas, kaya tayo may kalayaan gumawa ng batas para sundin natin. Di pwedeng free-for-all ito para tayong nagsusuntukan lang sa bar di pupuwede. Kailangan sumunod sa batas,” ani Padilla

Sa pagsisimula ng pagdinig, sinabi ni Ellen Tordesillas, founder ng VERA Files, hinimok nito ang Senado na huwag gamitin ang salitang “fake news” sa pagsasabatas dahil isa itong uri ng parirala na oxymoron dahil kahit kailan hindi maaaring balita ang anumang peke.

“The problem of the bill is by using “fake news”, adding that even the United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) does not use the term, insisting that “fake news” cannot be used in legislation, since there is no correct definition of “fake news”,” giit ni Tordesillas.

Ikinatuwiran naman ni Padilla na walang masa sa paglikha ng content sa news at social media platform. Pero kung aabusuhin ang freedom of expression at gamiting sandata laban sa iba, ay ibang bagay na ito kaya’t kailangan may batas upang matiyak ang parusa sa pang-aabuso sa constitutional rights sa malayang pamamahayag.

“Pag nilagyan na natin ng malisya na gusto mo siraan ang tao, yan ay mali na. Yan ho ang pagtapak na sa karapatan ng kapwa mo. At dapat lang yan may karampatang penalty,” aniya.  Ernie Reyes