Freelance workers bill ni Salceda lusot sa labor panel ng Kamara

Freelance workers bill ni Salceda lusot sa labor panel ng Kamara

September 20, 2022 @ 12:08 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ‘Committee on Labor and Employment’ ng Kamara ang panukalang ‘Freelance Workers’ Protection bill’ (HB 2821) na naglalayong bigyan ng ‘legal and contractual protection’ ang mga ‘freelance workers’ o kontratadong mga manggagawa at gawing higit na magaan at mainam ang kanilang paghahanap-buhay.

Binalangkas ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang layunin ng HB 2821 na isulong at protektahan ang ang mga karapatan at kapakanan ng mga ‘freelance workers,’ tiyakin ang makataong kalagayan at wastong bayad sa kanila, at protektahan ang kanilang mga interes kapag ayaw silang bayaran ng kanilang pinaglilingkuran, at mga gayong ibang usapin.

Pinagtibay na ng Kamara ang naturang panukalang batas noong 2021 sa ika-18 Kongreso nito ngunit hindi nakumpleto ang pagsasabatas nito. Ayon kay Salceda, sa ilalim ng umiiral na Labor Code, walang probisyon tungkol sa ‘freelancing’ at wala ring legal na panuntunan kaugnay nito, kahit na lampas na sa 1.5 milyon an ang bilang ng mga Pilipinong ‘freelancers’ bago pa nagka-pandemya.

Sa ilalim nito, ang humirang at ‘freelancer’ ay lalagda sa isang kasunduan na malinaw at madaling unawain, at kapuwa nila pag-iingatan. Malinaw na isasaad sa kasunduan ang gagampanang serbisyo, ang detalye ng bayaran at iba pang kasamang benepisyo, ang tagal ng kontrata, ang mga batayan ng paglabag nito, ang kanilang mga ‘tax identification numbers (TIN),’ at iba pang mga kundisyon na itatalaga ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kapag naisabatas na ang panukala, ang mga ‘freelancers’ na kailangang personal na italaga sa ibang lokasyon ay dapat tumanggap din ng ‘night shift differential’ para sa trabahong gagampanan nila sa sa pagitan ng ika-10 ng gabi at ika-6 ng umaga na hindi bababa sa 10% ng bayad sa kanila bawat oras kung walang higit na mataas na ratang nakasaad sa kasunduan.

Para naman sa mga ‘freelancer’ na matatalaga sa sadyang mapanganib na mga destino, gaya ng lugar na may labanan, o nasa ilalim ng ‘state of calamity’ dahil sa hawaan ng sakit, ‘radiation’ at mga katulad nitong panganib, dapat din diumanong bigyan sila ng katumbas na ‘hazard pay’ na hindi bababa sa 25% ng bayad sa kanilang napagkasunduan.

Batay sa mga probisyon ng bill, maaaring patawan ng ‘civil penalty’ mula P50,000 hanggang P500,000 ang ilegal na mga gawaing labag sa nakasaad sa panukalala, kasama ang hindi pagbabayad sa ‘freelancer’ ng ng sahod niya ng lampas ng 15 araw sa napagkasunduang petsa ng pagpapasahod.

Magiging ilegal din sa mga humihirang ng ‘freelancers’ ang paglabag sa mga isinasaad nito, gaya ng paghain ng reklamo laban sa mga ‘freelancer’ na tumutulong at nagbibigay ng mga impormasyon sa DOLE kaugnay sa ‘mediation’ o ‘conciliation agreement’ at sa mga imbestigasyon ng ahensiya kaugnay sa ‘freelancing’ at ang mga mapatunayang lumabag nito at hindi pagbayad sa ‘freelancer’ ng sahod niya ng lampas ng 15 araw sa napagkasunduang petsa ng pagpapasahod ay maaaring pagmultahin ng halangang mula sa P50,000 hanggang P500,000.

Iniaatas din sa ilalim ng panukala na ang mga ‘freelancers’ ay dapat magparehistro sa BIR at magbayad ng kanilang taunang buwis.

Sinabi ng mambabatas na ang ‘freelancing’ ay bunga rin ng pagsulong ng teknolohiya patungo sa ‘digital transformation’ ng mga gawain.

“Ang mga ‘freelancers’ ay magiging mga ‘work-from-home OFWs (overseas Filipino workers)’ sa hinaharap at dahil sa nagiging ‘digitally connected’ na ang mundo, milyun-milyong Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong kumita ng dolyar at salapi ng ibang bansa, kahit nananatili sila sa Pilipinas, kasama ang kanilang mga pamilya,” ani Salceda.

Binigyan diin niya na nagaganap na ito ngayon at “libu-libong Pinoy na ang sangkot, at malaki ang potensiyal ng sektor na ito kaya dapat mabigyan ng proteksiyon upang maiwasan ang pagdaloy dito ng ibang usaping ‘labor’ mula sa labas,” dagdag pa ng kongresista. RNT