Fresnedi, nanguna sa survey para congressman sa Muntinlupa

Fresnedi, nanguna sa survey para congressman sa Muntinlupa

May 3, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Lubos ang galak at tuwa ni outgoing Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi makaraang makarating sa kanyang kaalaman na siya ang nangunguna sa survey ng pagka-congressman sa lungsod.

Sa nakaraang “Boses ng Bayan: NCR 2022” survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), nakuha ni Fresnedi ang unang puwesto na may 82 porsiyento laban sa limang porsiyento lamang na nakamit ng kanyang katunggali na si Silverio Garing na may katumbas na 77 porsiyentong puntos na kalamangan.

Ang 82 porsyento na nakuha ni Fresnedi ay base sa RPMD survey na ginanap mula Abril 17 hanggang 21 base sa face-to-face interviews sa 10,000 respondents na pinili sa 7,322,361 rehistradong botante sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila na may ‘margin of error’ mula 2.5 hanggang 3.0 porsiyento sa mga malalaking lungsod habang may ‘margin of error’ naman ang mga maliliit na lokal na pamahalaan na 3.36 porsiyento na galing sa 850 respondents.

Sinabi ni Fresnedi na ang kanyang track record at performance ang naging daan upang kanyang makamit ang 82 porsyento sa survey ng RPMD.

Matapos ang flag-raising ceremony na ginanap nitong Lunes (Mayo 2) ay inihayag ni Fresnedi sa mga opisyal at empleyado ng lungsod ang kahalagahan ng eleksyon sa darating na Mayo 9.

Si Fresnedi ay nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang mayor ng lungsod at kasalukuyang tumatakbo naman bilang congressman sa nag-iisang distrito ng Muntinlupa.

“Nakapahalaga ng pagpili natin sa mamumuno sa atin dito sa Lungsod ng Muntinlupa, gayundin sa ating bansang Pilipinas. Alam po ninyo, mahabang panahon na ako ay naging ama ng ating lungsod at naging ama sa bawat isa sa inyo,” ani Fresnedi.

Dagdag pa ni Fresnedi na ipagpapatuloy ng One Muntinlupa team ang good governance sa lungsod na pinangungunahan ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na siya namang tatakbo bilang mayor katuwang si incumbent Vice Mayor Artemio Simundac.

Si Biazon din ang nangunguna sa survey ng pagka-mayor sa lungsod na mayroong 85 porsiyento laban kay Red Mariñas na nakakuha lamang ng 13 porsiyento sa survey ng RPMD. James I. Catapusan