From Zero to Hero: Globe nagtayo ng bagong cell tower sa Cotabato

From Zero to Hero: Globe nagtayo ng bagong cell tower sa Cotabato

December 15, 2021 @ 5:10 PM 10 months ago


MATATAGPUAN sa pagitan ng Maguindanao at Lanao del Sur, ang bulubunduking barangay ng Dado sa Alamada, Cotabato, sa mahabang panahon, ay nahiwalay sa iba pang bahagi ng bansa dahil sa kawalan ng telecommunications facilities.

Sa kabila ng malawak nitong land area, ang barangay ay may populasyon lang na 12,000. Ang mga tao ay walang pamamaraan para magkaroon ng komunikasyon sa kanilang mga kaibigan, pamilya at business associates sa labas ng barangay.

Gayunman, ang lahat ng ito ay nagbago nang magtayo kamakailan ng cell tower ang Globe.  Ang bagong pasilidad ay may 4G LTE, ang fourth generation ng broadband cellular network technology, na nagkakaloob ng “high bandwidth, lower latency, and improved network capacity.”

Sa 4G LTE, ang mga residente ng Brgy. Dado ay nakatatawag, nakapagte-text, at nakapagba-browse na ngayon sa internet.

“Nakaramdam po kami ng ginhawa kasi nakatatawag na kami, maka-internet na kami.  Marami nang gustong tumira rito kasi may cell site na tayo ng Globe.  Marami na ang ibang lugar na ma-contact natin.  Malaki talaga ang pakinabang namin kasi natayuan kami ng tower ng Globe,” kuwento ni Barangay Captain Antonio Carmino, Sr.

Hindi kuntento sa isang tower, si Carmino ay bukas sa pagkakaroon ng karagdagang cell sites para masakop ang buong barangay.  Nangako rin siyang poprotektahan ang cell sites mula sa masasamang elemento.

“Mag-support kami na protektahan talaga namin ‘yung tower ng Globe para matugunan na malagyan pa kami ng isang cell site para kung ano man ang problemang dumating sa amin dito.  Malawak kasi ang Brgy. Dado,” paliwanag niya.

Nagpasalamat naman si Joel Agustin, Globe Senior Vice President for Program Delivery, Network Technical Group, sa local governments na sumusuporta sa pagsisikap ng  Globe na makapagtayo ng telecom infrastructure sa buong bansa para matamo ang isang #1stWorldNetwork.

“As the Philippines moves towards digitalization, connectivity has become the lifeline of many Filipinos.  We will continue to put up new cell sites in places that need them most to give equal opportunity to all,” aniya.

Sa misyon nitong maghatid ng #1stWorldNetwork connectivity sa mga Pilipino, pinalawak ng Globe ang pagtatayo ng mga bagong cell site ngayong taon.  Ang kompanya ay gumagamit ng 4G LTE at 5G wireless technologies para sa mas mabilis na pag-download at pag-upload, mas mataas na bandwidth, at mababang latency. Bukod dito ay nakumpleto ng Globe ang 82 in-building solutions o IBS para magkaloob ng dekalidad na indoor coverage sa mga customer para sa mas malakas na mobile signals.

Ang 5G outdoor coverage ng Globe sa National Capital Region ay umabot na sa 95% at nararanasan na sa mahigit 1,900 lugar sa bansa hanggang noong end-September. Tinutulungan ng Globe ang mga customer nito na lumipat sa  5G-enabled devices at nag-aalok ng libreng SIM 4G LTE/5G upang maranasan ng mga customer ang lakas ng bagong teknolohiya. RNT