FUEGO! TAPUSIN ANG POGOs

FUEGO! TAPUSIN ANG POGOs

September 29, 2022 @ 6:37 PM 2 months ago


TARGET ng housing czar na itinalaga ni Pangulong Marcos Jr., si Secretary Rizalino Acuzar, na magtayo ng isang milyong housing units bawat taon hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang administrasyon. Layunin nitong mabawasan ang backlog sa libreng pabahay sa mga Pilipino, na ayon sa huling datos, ay nasa 6.5 milyon na.

Sa paunang plano, ang “Pambansang Pabahay para sa Pilipino: Zero ISF Program for 2028” ni Acuzar ay magbibigay ng maayos na matutuluyan sa 500,000 informal settler families (ISFs) sa Metro Manila, na nakatira sa mga delikadong lugar. Mayroong kabuuan na 3.7 milyong ISFs sa buong bansa.

Kailangan natin ang mga hangarin at pagpupursigeng tulad nito, at ipinagdadasal kong maisakatuparan ang mga planong ito. Pero ang mga pinapangarap na “Zero ISF” pagsapit ng 2028 ay isang mapaghamong direktiba. 

*        *        *

Ang kita talaga ang pinakaimportante. Kaya naman nagdadalawang-isip pa ang gobyerno sa magiging kapalaran ng mga Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Pero sa P40 bilyon hanggang P50 bilyon ipinangako ng industriyang ito, nakakakolekta ang bansa ng kakapiranggot na P4 bilyon taun-taon. Ito marahil ang ikinonsidera ni Finance Secretary Benjamin Diokno kaya nasabi niyang kakayanin naman ng bansa kahit pa walang tulong ng  POGOs.

Kung gayon, hindi lang ang simpleng kita ang ugat ng argumentong ito.

*        *        *

Sa taya ng Chinese-Filipino civic leader na si Teresita Ang-See, mayroong hindi bababa sa pitong iligal na POGOs sa bansa sa bawat isang lehitimong POGO.

Kaya naman pala kaagad na ikinonsidera ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagpapa-deport sa aabot sa 40,000 Chinese na sangkot sa mga hindi lisensiyadong POGOs. At kauutos lang niya sa National Bureau of Investigation na subaybayan, imbestigahan, at ipasara ang mga iligal na POGOs.

At magkano naman ang gagastusin sa pagtutugaygay na ito? Hindi na ako magugulat kung ang gastos sa monitoring sa libu-libong sangkot sa industriyang ito ng sandamakmak na krimen — kabilang ang pagdukot, pananakit, at syndicated fraud – ay kulang pa sa kabuuan ng kita sa buwis na kinukubra ng gobyerno mula sa  rehistradong POGOs.

At hindi pa natin tinatasa ang epektong panlipunan o ang pandaigdigang pambabatikos na natatanggap ng ating bansa sa pagkupkop sa mapanirang-puring industriyang ito. Sabi ng Firing Line, “Fuego!” Tapusin ang POGOs, ngayon na!

*        *        *

Nakuha ng mga climate change watchdogs at environmentalists ang gusto nilang marinig mula sa talumpati ni President Marcos sa harap ng UN General Assembly – isang panawagan sa mga bansa na mangakong sama-samang kikilos para mabawasan ang mga mapanganib na emission.

Dito sa atin, gayunman, lantarang binabatikos ng parehong grupo ang mga halal na lokal na opisyal sa hindi pagtalima sa mga umiiral nang polisiya na layuning proteksiyunan ang kalikasan mula sa tuluyang pagkapinsala. Ang nakakalungkot, walang agresibo o istriktong aksiyon ang local o regional levels upang isulong ang “climate change adaptation and resilience,” ayon kay Climate Reality Project Philippines Manager Nazrin Castro.

Pangulong Bongbong, bakit hindi natin ito simulan sa mga armadong trespassers na pinakilos ng isang “Major Layno” para sa pagtatangkang mangamkam ng lupain sa Masungi Georeserve sa lalawigan ng Rizal?

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.