Fuel subsidy ‘di sapat – transport group

Fuel subsidy ‘di sapat – transport group

March 26, 2022 @ 10:30 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng  transport group Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) nitong Huwebes na hindi umano sapat ang one-time P6,500 fuel subsidy ng gobyerno sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators laban sa pagtaas ng presyo ng langis.

“Yung P6,500 halos one week lang po na biyahe ng jeep. Aabot lang po sya ng halos walong araw kasi ang pinakamababang presyo ng krudo ng jeep ay umaabot ng P1,200 hanggang P1,300. Kaya halos hindi aabot ng buwan, hindi aabot ng dalawang linggo,” ani Piston president Modesto Floranda.

“Sabi nga natin sa unang tingin makakatulong pero sa kabuuan hindi rin kasi mawawalan sya ng silbi kung patuloy na tumataas,” aniya pa.

Binigyang-diin ng transport leader na dapat suspendihin ng pamahalaan ang implementasyon ng excise tax sa langis.

“Yung kwentada nga po namin mula sa P363 per day ay sa loob ng isang buwan ay P8,400 yung direct na buwis na binigay sa government,” sabi niya.

“Sabi nga po namin binigyan kami ng P6,500, nagbigay naman kami ng P8,400 sa loob ng isang buwan, mas malaki ‘yung inilabas namin kaysa sa ibinigay sa’min na tulong’,” dagdag pa niya.

Halos 150,000 PUV drivers ang nakatanggap ng fuel vouchers mula Marso 15, ayon sa LTFRB. RNT/SA