FUEL SUBSIDY SA TRICYCLE DRIVERS

FUEL SUBSIDY SA TRICYCLE DRIVERS

December 13, 2022 @ 1:06 AM 2 months ago


NAGING matalas ang pagtatanong ni Senador Alan Peter Cayetano kay Transportation Secretary Jaime Bautista sa confirmation hearing nito sa Commission on Appointments noong nakaraang Miyerkules.

Marami kasing nagiging delay sa implementasyon ng ilang proyektong matagal nang nakasalang, lalo na yaong mga inumpisahan sa termino pa ni dating Pangulong Duterte, kaya hiling ng senador sa dating presidente ng Philippine Airlines na dalhin niya ang expertise nito sa private sector sa gobyerno.

Kaya’t hayun, dalawang araw matapos ang medyo matinding paggisa kay Bautista, nagpulong ang dalawa at nagkasundo sa ilang mga bagay – partikular na ang pagbibigay ng fuel subsidy sa tricycle drivers.

Isa ito sa mga inangalan ni Cayetano, dahil anya 6,000 tricycle drivers pa lang ang nakatatanggap ng subsidy samantalang ayon sa Department of Interior and Local Government ay nasa 600,000 ang kabuuang bilang nito. Malaking issue ito dahil naglaan ang gobyerno ng P2.5 bilyon para sa subsidy sa lahat ng public utility drivers – jeepney man, taxi, o tricycle.

Ani Bautista, kulang daw ang listahan ng mga tricycle driver sa ilang local government units . Ayon kay Cayetano, kung kulang ang master list sa lokal na pamahalaan, pwede itong punuan ng mga tricycle operators and drivers associations na isa sa mga pinakaorganisadong grupo sa bansa. Kahit saang sulok ka pumunta ay may TODA, at tiyak na kumpleto ang listahan ng mga ito ng mga miyembro.

Nagkasundo sina Cayetano at Bautista na idaan na lang sa LGU ang pamamahagi ng subsidy. Una, may kakayahan ang mga ito tulad ng nakita na natin noong pandemic kung saan sila ang nag-distribute ng ayuda sa mga mamamayan. Pangalawa, madali nilang makuha ang tulong ng mga TODA dahil sila ang direktang nangangasiwa ng mga ito.

Malaking tulong ang subsidy na ito sa tricycle drivers dahil hanggang ngayon ay hirap na hirap pa rin sila bunsod ng mataas na presyo ng gasolina, inflation, at ang pandemya na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Kahit na isang libong piso lang ‘yan -gagaan kahit paano ang kanilang pasanin. Malalaman din nila na nasa panig nila ang gobyerno at handa itong tulungan sila sa panahon ng paghihirap.

Sa ngayon kasi ay marami sa kanila ang nagrereklamo dahil tila nakalimutan na sila.