Fuel surcharge level sa mga flight tinaasan

Fuel surcharge level sa mga flight tinaasan

February 22, 2023 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Asahan na ang mas mataas na pasahe sa eroplano sa susunod na buwan.

Ito ay matapos na taasan ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level para sa buwan ng Marso.

Sa abiso nitong Miyerkules, Pebrero 22, inanunsyo ng CAB na binago ang passenger at cargo fuel surcharge para sa mga domestic at international flights sa Level 7 mula Marso 1 hanggang 31, 2023.

Mas mataas ng isang baitang ang fuel surcharge level para sa buwan ng Marso kumpara sa kasalukuyang lebel.

Sa ilalim ng Level 7, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay naglalaro sa P219 hanggang P739 depende sa layo.

Sa international passenger flights naman na magmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay nasa P722.71 hanggang P5,373.69.

Samantala, kung ikukumpara, sa ilalim ng kasalukuyang Level 6, ang mga pasahero ay sinisingil ng P185 hanggang P665 lamang na fuel surcharge sa domestic flights at P610.37 hanggang P4,538.40 para sa international flights depende sa layo.

“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharge for the same period must file its application with this Office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” ayon sa CAB. RNT/JGC