Fuel surcharge sa Marso halos P50 lang madaragdag – CAB

Fuel surcharge sa Marso halos P50 lang madaragdag – CAB

February 23, 2023 @ 5:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaasahang mas mababa sa P50 ang itataas sa fuel surcharge sa susunod na buwan, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB) nitong Huwebes, Pebrero 23.

Kamakailan ay inanunsyo ng CAB na itataas sa level 7 ang fuel surcharge sa Marso mula sa dating level 6.

Nangangahulugan ito na ang fuel surcharge ay aabot sa P219 hanggang P739 sa domestic passengers, habang P722.71 hanggang P5,373.69 naman sa international passengers.

Sa kabila nito, siniguro ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla na hindi nito gaanong maaapektuhan ang mga pasahero.

“Hindi natin inaasahan that this will be a disincentive to travel kasi sa ngayon, ang surcharge ay 400 plus. Magiging plus 50 or less. Hindi siya gaano kalaki, bukod doon ay nagse-surge ang ating air traffic, parami nang parami,” sinabi ni Arcilla sa isang televised briefing.

“Gusto kong iparating sa ating mga mananakay, huwag silang mag-alala, maliit lang naman ito at isang level lang,” dagdag pa niya.

Samantala, inaasahan ng CAB na mas dadami pa ang mga bibiyahe sa pagluluwag ng mga restriksyon na may kaugnayan sa COVID-19.

“Inaasahan natin na maraming magbu-book nga dahil peak season at saka very competitive ang local market natin with three major airlines competing in the market, so mabuti po iyan dahil bumababa at nagkakaroon ng more value for money kapag mayroon competition,” ani Arcilla.

Noong Disyembre ay nakapagtala ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng passenger volume sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nasa 1.6 milyon sa pagitan ng Disyembre 1 hanggang 15. RNT/JGC