Fujifilm PH officials pinakakasuhan

Fujifilm PH officials pinakakasuhan

October 2, 2022 @ 3:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakitaan ng Office of the City Prosecutor ng Lungsod ng Pasig ng probable cause para kasuhan ang mga opisyal ng Fujifilm Philippines.

Ayon sa korte kabilang sa mga sasampahan ng asunto sina Ryo Nagaoka, Evan Reyes at John Paul Camarillo at mga opisyal ng Fujifilm Healthcare Asia Pacific Pte Ltd (Singapore) na sina Anil Jacob John, Dinesh Mehra at Eric Koh para sa krimeng “other deceits” na labag sa Artikulo 318 (1) ng Revised Penal Code.

Batay sa Resolusyon ng tagausig, inakusahan ng Sunfu Solutions, Inc. ang mga opisyal ng Fujifilm ng kriminal na pandaraya at panlilinlang sa pamamagitan ng pagbibigay ng First Tier Distributor Certificate na may petsang Enero 6, 2022 na nag-awtorisa sa Sunfu na ipamahagi ang Fujifilm medical equipment para sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga, kaya naging dahilan para maniwala ang Sunfu na ito ay pinahintulutan ng Fujifilm ngunit sa kalaunan ay napag-alamang ang sertipiko ay peke sapagkat ang Fujifilm ay walang layuning tuparin ang pakunwaring pangako.

Nagtiwala ang Sunfu sa mga pahayag at representasyon ng Fujifilm na ang First Tier Certificate ay eksklusibo, sa kadahilanang hindi ito nagsaad sa sertipiko na ito ay hindi eksklusibo, na siyang gawain sa kanilang industriya at gayon din ang naging pagtrato sa kanilang mga nakaraang transaksyon.

Nang malaman ng Sunfu sa simula ng subasta na may katulad na sertipiko na inisyu ang Fujifilm sa isa kakumpitensyang bidder, humingi ito ng paglilinaw mula sa Fujifilm ngunit ang huli ay walang paglilinaw na ginawa.

Dahil sa naantalang kumpirmasyon na hindi nito susuportahan ang bid ng Sunfu, umatras ito mula sa post-qualification phase ng bid.

Ayon sa Sunfo, nabiktima.at nalinlang sa kadahilanang ito ay pinaniwala na maaari itong mag-distribute ng Fujifilm medical equipment na sa huli ay lumabas lamang na hindi totoong pangako, at nasayang lamang ang oras at gastos na kanilang ginugol para makipagkumpitensya sa bid.

Bilang aksyon sa reklamo ng Sunfu, ang Tanggapan ng Piskalya ng Lungsod Pasig ay naglabas ng mga resolusyon na may petsang Abril 12, 2022 at Agosto 15, 2022 na nagdedesisyon na ang ebidesya ay bumuo ng probable cause na ang “kabuuang aksyon” ng mga akusadong opisyal ng Fujifilm ay maituturing na kriminal na panlilinang laban sa Sunfu.

Ayon sa Resolusyon na may petsang Abril 12, 2022, sinabi ng Tanggapan ng Piskalya na ang mga opisyal ng Fujifilm ay pinaniwala ang Sunfu na ito ay binigyan ng “First Tier Distributorship status” ngunit ang katotohanan nito ay ang mga opisyal ay may “layong suportahan ang katungali ng nagrereklamo.”

Sa Resolusyon naman na may petsang Agosto 15, 2022, muling isinaad ng Tanggapan ng Piskalya na sa kadahilanan ng pagbigay ng First Tier Certificate, ang mga opisyal ng Fujifilm ay gumawa ng “maling representasyon” at gumawa ng “panlilinlang at pandaraya” sa Sunfu.

Saad sa resolusyon,ang mga opisyal ng Fujifilm ay “gumawa ng pandaraya at panlilinlang sa pamamagitan ng omission” kasama ng konseptong ito ang “fraudulent nondisclosure” at “fraudulent concealment”.

Pinabulaanan ng mga opisyan ng Fujifilm sa kanilang counter-affidavits ang mga paratang ngunit ayon sa resolusyon ng Tanggapan ng Piskalya “ ang depensang pagtanggi, bilang isang negatibong depensa, at walang kaakibat na malinaw at kapanipaniwalang ebidensya ay hindi dapat bigyan ng mas mabigat na konsiderasyon kaysa sa mga paratang ng nagreklamo na ginawa sa tiyak at tahasang paraan, na walang anumang masamang motibo ay kailangang mangibabaw kaysa sa depensa ng pagtanggi at alibi.”

Isinampa ang kaso sa Metropolitan Trial Court of Pasig City. Ang Sunfu Solutions ay nagsampa ng Motion for Reconsideration sa piskalya, na nagsasabing ang asunto laban sa mga akusado ay kailangang gawing estafa sa ilalim ng Art. 315(2) (a) ng Revised Penal Code. Ang mga opisyal ng Fujifilm ay humingi ng suspensyon ng paglilitis, sa kadahilanang sila daw ay umapila sa Department of Justice. RNT