Full cost recovery sa ilalim ng electrification EO rerebyuhin ng ERC- CEO

Full cost recovery sa ilalim ng electrification EO rerebyuhin ng ERC- CEO

December 12, 2021 @ 2:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Susunod ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa inilabas na executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos na suriin ang full cost recovery bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na maabot ang total household electrification sa 2022, ayon sa CEO nito ngayong Linggo.

Iginiit ni ERC Chairperson at Chief Executive Officer Agnes Devanadera na makatutulong umano ang Executive Order (EO) 156 na inilabas ni Duterte nitong Huwebes, sa mga electric cooperatives, partikular na sa economically unviable areas, upang magkaroon ng kuryente sa lahat ng parte ng bansa.

Hinahayaan din ng EO ang kapangyarihang gumamit ng step-in rights sa ailing electric cooperatives mula sa National Electrification Administration (NEA) sa Office of the President.

“Dito, pinapareview din naman sa amin ‘yung tinatawag na cost recovery. Pinapatignan pa rin ‘yon sa amin kasi nga kailangan mag-issue na rin kami ng additional guidelines,” pahayag ni Devanadera.

Sa iallim ng Section 2 ng naturang EO, “ERC shall promulgate rules in computing rates that allow full cost recovery for the facilities built by microgrids, distributed energy resources (DERs) and other alternative electric service providers.”

Gayundin, inaatasan ang ERC na magpataw ng multa laban sa non-compliant distribution utilities,  at magrekomenda ng revocation ng kanilang franchises sa Kamara.

“Nag-umpisa kasi ang ERC nang nagpe-penalize kami ng mga aksyon ng kahit na distribution utilities. Maraming penalties, maraming orders kami na inilabas. Ito ang sinasabi dito sa EO 156 na kailangan mag-impose rin kami, at nag-impose nga talaga kami ng fines and penalties,” sabi ni Devanadera.

Aniya pa, mas madali para sa kanila at sa pamahalaan na bantayan ang iba’t ibang distribution utilities upang maparusahan sila.

Minandato rin ang EO 156 sa Department of Energy (DOE), at inatasan na tukuyin ang mga “unviable, unserved, underserved and poorly served areas within the franchise areas of distribution utilities.”

Samantala, kailangan ng National Electrification Administration (NEA) “to coordinate with the DOE and extend the necessary assistance to enhance distribution development in pursuit of the total electrification of the country.” RNT/SA