Full implementation ng exclusive motorcycle lane, ipinagpaliban

Full implementation ng exclusive motorcycle lane, ipinagpaliban

March 19, 2023 @ 4:54 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Pansamantalang suspendido ang implementasyon ng Exclusive Motorcycle Lane sa Commonwealth Avenue sa loob ng mga susunod na araw.

Sa katotohanan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isang linggo pa ang gagawing dry run sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue upang bigyan daan ang pagpapatse o patching works na isinasakatuparan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nauna rito, may daing ang ilang motorista na lubak-lubak o hindi pantay o may biyak ang lane na nakalaan sa kanila.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ipagpapatuloy ng DPWH ang patching works sa lugar na nagsimula nitong nakaraang linggo bilang tugon sa kahilingan ng MMDA base sa social media concerns na natanggap ng kanilang opisina.

Umaasa si Chairman Artes na ang extended dry run ay makapagbibigay ng mas mahabang panahon para sa information drive tungkol sa polisiya at mas magiging pamilyar ang mga motorista.

“We opt to continue the dry run of the exclusive motorcycle lane along Commonwealth Ave. from Elliptical Road to Doña Carmen and vice versa. In coordination with the DPWH, their patch works in the area will continue to address the issues on the said road,” sabi ni Artes.

May kabuuan 12,370 na motorcycle riders at four-wheel private vehicle drivers ang nasita mula Marso 9 hanggang Marso 19; 2,931 dito ay mga motorsiklo habang 9,439 naman ang private vehicle. Dave Baluyot