Makati City – Limang kalalakihan kabilang ang isang traffic police investigator ang inaresto ng kanyang mga kabaro matapos umano nilang kidnapin at pagnakawan ang dalawang negosyanteng Chinese nationals na iniulat kahapon sa Makati City.
Kahapon ay iniharap ng hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Rogelio Simon ang suspect na sina PO2 Jaycee Abana, 28, binata, isang traffic investigator na nakatalaga sa Vehicular Traffic Investigation Unit (VTIU) ng naturang himpilan ng pulisya; mga kasabwat nitong magkakapatid na sina Mohalem, 28; Muhamad, 34; Mohalil Macapundag, 30, pawang residente ng #39 Joseph St., Interior Brgy. Holy Spirit, Quezon City at Wenceslao Sevellejo, 44, nakatira sa #86 Norte Ma. Socorro, Marilao, Bulacan.
Kinilala naman ang mga biktimang sina Changbo Fang, 22, binata at ang kasama nitong si Fang Zhang Bao, kapwa nanunuluyan sa Yakal St., Brgy. San Antonio Village, Makati City.
Ayon sa report, nagtungo ang mga kaibigan ng mga biktima na sina Tony Yu; Livian Bao at Jennifer Zarcilla, pawang mga taga 24D, Greenbelt Prasier Place, Palanca St., ng naturang siyudad sa tanggapan ng Makati City Police upang i-report na ang mga ito ay nasa custody ng limang kalalakihan suspect.
Kung saan pinatutubos ang mga biktima ng halagang P1 million, dahilan upang magkasa ng entrapment operation ang mga kagawad ng Makati City Police laban sa mga suspek.
Nang magpositibo, ala-1:30 ng madaling araw nang arestuhin ng mga kagawad ng Makati City Police si PO2 Abana, kasama ang apat na kasabwat nito sa kahabaan ng Nicanor Garcia St., Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng isa sa biktimang si Fang sa mga pulis, nakasakay sila ng kanyang kasama sa isang Lexus IS 300 Sedan na may plakang ND-707 at habang binabagtas nila ang panulukan ng Nicanor Garcia at Metropolitan Sts., ng nabanggit na barangay nang harangin at patigilin sila ng isang kulay puting Mitsubishi Montero na may conduction sticker NM5626, na sakay ang mga suspek.
Kung saan inutusan ang mga biktima na iparada muna nila ang kanilang sinasakyan sa harapan ng Jazz Mall at tinutukan ng baril ni PO2 Abana ang mga biktima at kinuha nito ang wallet ni Fang at ang pera ni Bao.
Dito na kinidnap ng mga suspek ang dalawang biktima at sinabihan silang tawagan ang kanilang kaanak at magbigay ng halagang P1 million bilang ransom at kapag hindi ito naibigay ay papatayin sila.
Dahil sa insidente, dito na nadakip ang mga suspek ng mga kagawad ng Makati City Police at sinampahan ang mga ito ng mga kasong Kidnapping and Robbery.
Na-recover ng mga pulis ang service fire ni PO2 Abana (Glock), P80,000.00 ransom money, P8,000.00 na personal money ng mga biktima at Montero SUV na gamit na sasakyan ng mga suspect. (James I. Catapusan/ Kuha ni Jun Mestica)