Fully-vaxxed pwede nang pumasok sa Boracay nang walang RT-PCR test

Fully-vaxxed pwede nang pumasok sa Boracay nang walang RT-PCR test

February 2, 2022 @ 11:44 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Maaari nang makabyahe ang mga turista maging ang mga papauwing residente sa Aklan at Boracay Island kahit hindi sila magpresenta ng negatibong RT-PCR result, ayon sa anunsyo ng provincial government.

Sa ipinalabas na executive order ni Aklan Governor Florencio Miraflores, papayagan nang makapasok sa sikat na isla ang mga indibidwal na fully vaccinated at hindi na nila kailangan sumailalim sa COVID test.

Bilang pruweba na sila ay bakunado, kailangan naman iprisenta ang mga sumusunod:

— VaxCertPH COVID-19 vaccination certificate na may full vaccination status

— locally-issued vaccination card/ID na may full vaccination status at verifiable QR code, o contact details ng vaccination center

— World Health Organization International Certificates of Vaccination and Prophylaxis/ vaccination card o certificate issued abroad

Sa kabilang banda, papayagan pa rin namang makapasok ng probinsya at ng isla ang mga hindi bakunado o yaong mga naghahantay pa ng ikalawang doses basta magpipresenta ang mga ito ng negative RT-PCR test na kinuha dalawang araw bago ang pagdating. RNT