Fully vaxxed studes lang pwede sa F2F classes – CHED

Fully vaxxed studes lang pwede sa F2F classes – CHED

March 13, 2022 @ 10:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Muling inulit ng Commission on Higher Education (CHED) na tanging ang mga estudyante na fully vaccinated laban sa COVID-19 ang papayagan na dumalo sa in-person classes, dahil sa mas maraming higher education institutions (HEI) ang inaasahan na magpapatuloy sa ilalim ng pinagaan na restriksyon.

Sinabi ni CHED chairperson Prospero De Vera, maaari namang piliin ng mga natitirang mga hindi bakunado ang magpartisipa sa online classes.

” ’Yung mga hindi bakunado puwede sila mag-aral sa pamamagitan ng online classes. Ang policy ng CHED sa lahat ng higher education institutions ay flexible learning policy pa rin,” paliwanag ni De Vera.

“‘Yung pamantasan ‘yung magde-decide ng tamang mix ng face to face, online, at offline. ’Yun ’yung kanilang option. Puwede silang mag-full face-to-face, full online. Puwede ring maging online plus face-to-face . . . depende sa pangangailangan ng pamantasan at kakayanan ng mga estudyante at faculty,” dagdag na pahayag nito.

Araw ng Biyernes, inanunsyo ng Malakanyang na inaprubahan ng COVID-19 task force ang guidelines na itinakda ng CHED para sa in-person classes sa ilalim ng Alert Level 1.

Sa ilalim ng mga tuntunin ng komisyon, tanging mga fully vaccinated personnel at estudyante ang papayagan sa loob ng eskuwelahan.

“HEIs under the loosest alert level have also been allowed to operate at full capacity, which means no physical distancing will be implemented in seating arrangements,” dagdag nito.

Ani De Vera, mas magiging madali na madetermina kung ilang estudyante ang makadadalo sa face-to-face classes kapag pinayagan ang eskuwelahan na mag-operate ng 100%.

Ang HEIs sa ilalim ng “higher alert levels,” ani De Vera ay pinapayagan lamnang na mag- operate sa kapasidad na 50% hanggang 70%, dahil upang ang alternate classes ng mga estudyante ay gagawin physically.

“Ang benefit ay hindi mo na masyadong pinoproblema kung ilan ’yung iyong pababalikin. Noon, dahil sa Alert Level 3 dahil 30 percent lamang, pinoproblema ng pamantasan ‘yung pagsalit-salit ng mga estudyante kung kailan sila papasok o mago-online o mago-offline,” paliwanag nito.

“Ngayon mas madali na i-arrange ang klase . . . Mas kaya na nila i-manage ’yung facility,” aniya pa rin.

“At present, about 313 HEIs are holding in-person classes, while more than 1,000 programs are allowed to return physically,” sinabi ni De Vera.

Binigyang diin nito na mas maraming unibersidad at kolehiyo ang magbubukas ng susunod na school year 2022 hanggang 2023, habang ang iba naman ang ipinagpaliban ang reopening ngayong semestre dahil sa surge ng bagong COVID-19 cases nito lamang buwan ng Enero dahil sa mas maraming transmissible omicron variant. Kris Jose