Gabriela: Bagong AFP chief may ‘bloody record’

Gabriela: Bagong AFP chief may ‘bloody record’

August 5, 2022 @ 8:32 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagpalag ang Gabriela party-list sa pagtatalaga kay Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro bilang ika-58 chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“We reject the appointment of [Bacarro] given his bloody record as the AFP Southern Luzon Command during the spate of human rights violations in the region,” ani Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Binanggit ni Brosas ang kasong kinasasangkutan ni Kyllene Casao, 9-anyos na pinatay umano ng Philippine Army 59th Infantry Battalion sa Bgy. Guinhawa, Taysan, Batangas noong Hulyo 18.

“Bacarro along with the 59th Infantry Battalion, should be held accountable for the killing of Casao and other cases of state-perpetrated violence in Batangas,”  ani Brosas.

Sina ACT-Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Raoul Manuel ay parehong sinisi ang umano’y militarisasyon ng mga komunidad at kultura ng impunity para sa mga pagpatay.

“Kinukondena po natin ang lahat ng uri ng human rights violations na hanggang ngayon ay namamayani pa rin sa ating bayan. Nagpapatuloy yung ala martial law na taktika,” ani Castro.

“Pag-upo pa lang niya hanggang ngayon, kitang-kita natin gaano sila katakot sa protesta at doon sa rural area pinapakalat ang militar para maghasik ng state terror,” dagdag naman ni Manuel.

Si Bacarro ay pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong hepe ng AFP, inihayag ng Palasyo noong Lunes.

Si Bacarro, 55, ay nagsilbing commander ng Southern Luzon Command ng AFP.

Papalitan niya ang kanyang kaklase sa Philippine Military Academy (PMA), outgoing chief of staff Gen. Andres Centino. RNT