Galawang palusot ng transport chief sa fuel subsidy, kinastigo ni Cayetano

Galawang palusot ng transport chief sa fuel subsidy, kinastigo ni Cayetano

December 9, 2022 @ 4:58 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Muling kinastigo ni Senador Alan Peter Cayetano ang itinuturing nitong “galawang palusot” ni Transport Secretary Jaime Bautista sa Department of Transportation hinggil sa kakapusan ng kaalaman hinggil sa big tickets railway projects.

Sa pahayag, hinamon ni Cayetano si Bautista na dalhin sa ahensya ang kanyang galing sa management sa pribadong sektor.

“Sawa na ang mga Pilipino na makarinig ng mga palusot tungkol sa delay sa mga programa ng ahensya,” giit ni Cayetano.

Naunang itinanong ni Cayetano si Bautista kung bakit nasa 6,000 tricycle drivers lang ang nakakuha ng fuel subsidies sa buong bansa, habang hindi pa nakakakuha ng ayuda ang karamihan ng mga tricycle drivers mula sa P2.5 bilyon na tulong-pinansyal na nakalaan para sa tsuper na nahihirapan sanhi ng mataas na presyo ng langis.

“We want the Jaime Bautista who was in the private sector, dapat y’ung pagka-private sector executive mo, ma-imbibe ng DOTr, hindi y’ung usual red tape ng gobyerno ay maapektuhan si Jaime Bautista today,” wika ni Cayetano sa hearing ng Commission on Appointments (CA) noong Disyembre 7.

Umalma ang independent senator at CA minority leader sa paliwanag ni Bautista na ang mga delay sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle driver ay bunsod ng kawalan ng masterlist ng rehistradong tricycle drivers sa ilang local government units (LGUs), at ang kawalan ng kakayahan ng maraming mga tricycle drivers na tumanggap ng ayuda gamit ang e-wallet applications.

“Sec, magpalit tayo ng posisyon. Ikaw ang senador, ako ang secretary, do you want to hear excuses or solutions?” tanong ni Cayetano kay Bautista.

“I know you’re mild mannered and that’s why you are answering that way, but for me people are fed up with excuses,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Cayetano na madali lang dapat para sa DOTr na kolektahin ang mga listahan ng driver-beneficiaries at makahanap ng ibang paraan para ipamahagi ang fuel subsidy tulad ng mano-manong pagbibigay ng pera sa mga tricycle driver na walang e-wallet account, dahil nagagawa naman ito kahit ng mga kongresista sa kanilang mga nasasakupan.

“Ask any congressman here, bigay niyo y’ung pera, tomorrow, idi-distribute namin ‘yan sa lahat ng tricycle driver — so whatever is more convenient, kung mas convenient na GCash, Palawan Express or whatever or kung mas convenient kung manu-mano, we will give it,” aniya.

Kinuwestiyon din ng senador kung bakit lagi na lang idinadahilan ng mga transport officials ang kawalan ng database ng driver-beneficiaries sa mga LGUs gayong kasama ang mga tricycle and jeepney operators-and-drivers associations (mga TODAs at JODAs) sa mga pinakamatitibay na samahang panghanapbuhay saanman sa bansa.

“So for the last six months, nababasa na ng mga tao sa dyaryo na may fuel subsidy pero ang tricycle driver wala. Eh ang pinaka-organized (transport groups) sa Pilipinas ang TODA. JODA is also organized but ang TODA ay very highly organized, so it will be very easy to distribute,” ani Cayetano.

“Ang point ko, if every single time na lang na mag-announce ang presidente o gobyerno na may subsidy at sasabihan kami ng DOTr, wala kayong listahan diba, para naman tayong mga lokong nag-uusap dito,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan ni Cayetano si Bautista na hindi pwedeng ipasa ng DOTr ang trabaho nitong mangalap ng listahan ng mga tricycle driver-beneficiaries sa Land Transportation Office (LTO) o sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil matagal nang kargo ng mga LGUs ang regulasyon ng mga tricycle drivers.

Nanawagan si Cayetano kay Bautista na buuin ang listahan ng mga tricycle driver-beneficiaries na hindi pa nakakakuha ng fuel subsidies at iprisinta ito sa CA sa susunod na linggo, dahil meron pang nananatiling balance ang ahensya na P100 milyon ayuda na hindi pa naipapamahagi.

“I’m not comfortable confirming someone who will give us excuses… So either you can get the list or not. Y’un lang ang point Sec ‘no, kailangang ganun lang y’ung ating attitude sa gobyerno kasi kung hindi, made-delay nang made-delay ‘yan,” ani Cayetano. Ernie Reyes