Galunggong may sapat na suplay – AGAP

Galunggong may sapat na suplay – AGAP

January 21, 2022 @ 11:59 AM 7 months ago


Manila, Philippines  – Sapat ang suplay ng isda sa bansa partikular ang round scad o galunggong kaya hindi na kailangang mag-angkat pa.

Ito ang iginiit ni AGAP Partylist first nominee Nicanor Briones matapos na mag-import ang Department of  Agriculture (DA) ng milyong-milyong kilo ng galunggong.

Paliwanag ni Briones, kahit pa may dumaang bagyo, at natigil ang fishing activity dahil sa breeding season hanggang sa Enero 31 pero hindi naman aniya kailangan pang mag-angkat dahil may mga alternatibong mga isda na maaring mabili ng mga mamimili tulad ng tilapia at bangus.

Aniya sa last quarter ng 2021, nasa 60 milyong kilos ng galunggong at mackerel  ang ingkat at dumating pa lamang ay 12 milyon kilos pa lamang ang lumabas sa merkado at ang 48 milyon kilos ay hindi pa batid Kung nasa storage na o hindi pa dumarating.

Pinuna  ni Briones ang pag-iisyu  ng DA ng certificate of necessity to import sa galunggong samantalang maari naman na aniyang buksan ang fishing activity sa Northern Palawan upang makapanghuli na ng isda ang mga mangingisda kung saan 95 porsyento aniya ang  nahuhuling galunggong dito na dinadala naman sa Metro Manila at binabagsak sa Navotas fishport.

Ayon din aniya sa National Council Fisheries and Aquatic Resources Management Council, hindi na kailangan pang mag-angkat ng isda.

Sinabi pa ni Briones na nasira lamang ang mga bangka ng mga mangingisda ngunit hindi nawala ang suplay ng isda lalo na ang galunggong.

Aniya, papatayin lang ng importasyon ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.

Kinwestyon ni Briones kung bakit nagbingi-bingihan ang DA sa nagkakaisang rekomendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) na wala namang pangangailangan para mag-isyu ng certificate of necessity to import sa unang quarter ng 2022, ayon na rin sa Resolution No. 3, Series 2022 ng nasabing konseho.

Ang NFARMC ang tumatayong taga-bigay payo at rekomendasyon sa DA kaya kailangang konsultahin muna ito, sa ilalim na rin ng Section 61 ng Fisheries Code. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)