Galvez bilang DND Chief suportado ni Hataman

Galvez bilang DND Chief suportado ni Hataman

January 11, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang paghirang kay Peace Process Adviser Sec. Carlito “Charlie” Galvez Jr. bilang bagong Kalihim ng Department of National Defense (DND).

Sa isang statement sinabi ni Hataman na kumpiyansa sya sa solido at matagal nang karanasan ni Galvez sa usaping pangkapayapaan na makakatulong ng malaki sa pagganap niya sa bagong tungkulin.

“Matagal nating nakasama at naging matatag na kaagapay si Sec. Charlie sa ating mga pagsisikap at gawaing pangkapayapaan sa Bangsamoro region, lalo na noong tayo pa ay regional governor ng dating ARMM. Sa katunayan, instrumental si Sec. Charlie sa tinatamasa nating kapayapaan ngayon hindi lamang sa BARMM kundi pati na rin sa buong Mindanao,” pahayag ni Hataman.

Sinabi pa ng mambabatas na tiwala sya sa kakayahan ni Galvez bilang bagong kalihim ng DND dahil nang ito ang syang pinuno ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ay naging epektibo ang mga programang ipinatupad nito.

“Bilang isang mahusay na sundalo, nauunawaan ni Sec. Charlie na ang susi sa kapayapaan ay hindi sa lakas ng puwersa o karahasan: mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad at lokal na pamahalaan pati na rin ang pagtugon sa ugat ng digmaan. Siya ang ating katuwang nang sinimulan natin ang Program Against Violent Extremism o PAVE bilang brigade commander na siyang counterpart natin sa security sector. Suportado pa rin niya ang PAVE noong maitalagang commander ng Western Mindanao Command ng AFP. Nasa forefront din siya ng Marawi Siege noong 2017 at isa sa mga opisyal na nagpalaya sa lungsod mula sa mga terorista,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Hataman na ngayong nasa DND na si Galvez ay mapapanatili nito ang kapayapaan sa Mindanao at sa BARMM.

Si Galvez ay itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kapait ng nagbitiw na si dating DND Chief Jose Faustino Jr. Gail Mendoza