Gamit na hiringgilya, pinaglaruan; 7 bata sapul ng COVID sa Virac

Gamit na hiringgilya, pinaglaruan; 7 bata sapul ng COVID sa Virac

January 30, 2022 @ 9:00 AM 8 months ago


CATANDUANES β€” Sapul ng Coronavirus Disease 2019 ang pitong bata sa Virac matapos na paglaruan ang nakitang gamit na hiringgilya sa bisinidad ng barangay.

Nasa edad tatlo hanggang 11 ang pitong bata na nagpositibo sa COVID matapos na isailalim sa antigen test ng awtoridad sa Barangay Concepcion.

Maging ang babae na naunang sumuway sa mga batang naglaro sa hiringgilya ay nahawaan din ng COVID-19.

Sinabi ni Concepcion barangay chief Anthony Arcilla na naka-isolate na ang mga bata at binigyan na ng mga gamot at bitamina.

Nakatakda naman itong isailalim sa RT-PCR testing sa Lunes, Enero 31.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, inako ng laboratoryong malapit sa lugar ang nasabing mga medical waste, at inako rin ang responsibilidad sa naturang insidente saka humingi na umano ng tawad sa konseho ng barangay.

Pero matapos ang pakikipagpulong sa konseho ng barangay, napag-alaman na ang representante ng nasabing laboratoryo na nakipag-usap ay positibo sa COVID-19.

Kaya naman ang mga nakiharap dito ay nakasailalim din sa kwarantin. RNT