Gamot sa COVID pinapakyaw na; matutulad din sa bakuna

Gamot sa COVID pinapakyaw na; matutulad din sa bakuna

October 13, 2021 @ 6:36 AM 4 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Naghahayag ng pagkabahala ngayon pa lamang ang ilang organisasyon sa posibleng pamamakyaw ng mayayamang bansa sa gamot laban sa COVID-19 at matutulad ito sa mga bakuna laban sa nasabing sakit.

Gawa ng kompanya ng gamot Merck & Co., tinatawag na Molnupiravir ang gamot na direktang aatake at papatay sa virus saanman matatagpuan ito gaya sa baga, puso at kahit anong parte ng katawan ng tao.

Sa pangunguna ng United States na roon hinihiling ng Merck na bigyan ito ng permiso na maging “for emergency use”, sumunod nang naglabas ng pondo at nakipagkontrata na sa Merck sa bilihan ng nasabing gamot ang mga bansang Australia, Singapore, Thailand, Malaysia at New Zealand.

Nagkakahalaga ng $1.2 bilyon ang bawat 1.7 milyong treatment course na babagsak sa $700 kada course.

Ayon sa Drugs for Neglected Diseases Initiative, maaaring dahil sa pamamakyaw, mapag-iiwanan muli ang mga mahihirap na bansa ng suplay rito, kasama na mismo ang COVAX facility.

Kung anong mga bansa ang napag-iiwanan sa suplay ng bakuna, sila rin mismo ang mapag-iiwanan sa nasabing gamot.

Mismong ang World Health Organization ay tila wala pa umanong malinaw na gagawin ukol sa pagkuha sa Merck at mga lilisensiyahan nitong ibang mga kompanya ng gamot, gaya ng tatlong kompanya sa India.

Ayon sa Merck, ilan milyon pa lang ang nakatakdang gagawin nito sakaling aprubahan ng US ang aplikasyon nito para sa emergency use.

Bagama’t nilisensyahan nang gumawa ang ibang mga kompanya, hindi rin madaling makagawa ang mga ito ng nasabing gamot sa rami ng pagdaraanan ng mga ito mula sa pagkakaroon ng hilaw na materyales at iba pa. Fred Cabalbag


  •  
  •  
  •