GAMOT VS COVID AT BAKUNA VS COVID

GAMOT VS COVID AT BAKUNA VS COVID

November 25, 2021 @ 5:45 PM 3 days ago


ALAM na nating lahat na binigyang-pahintulot na ng Food and Drug Administration ang Malnupiravir bilang gamot laban sa coronavirus disease-19.

Kung gagamitin ang gamot na ito na gawa ng Merck & Co., Inc., may kondisyon ang FDA.

‘Yun bang === compassionate special permit (CSP) at kailangan ang pagsubaybay ng doktor sa iinom nito.

At may suplay na nga ito sa Pilipinas.

Maaaring magkaroon ng iba pa katulad ng Paxlovid at Ritonavir.

KALAHATING KALIGTASAN

Kapsula at iniinom, hindi iniiniksyon, ang nasabing gamot.

Ngunit ito’y para lang sa mga mild at moderate ang tama at hindi sa nasa severe at critical.

Sa severe, makararanas na ang maysakit ng matinding-kakapusan sa paghinga at kailangan na ang oxygen na tutulong sa kanya para huminga.

Ang kritikal, nasa intensive care unit na ang biktima at tinatamnan na mga tubo para makahinga at bilang daluyan ng mga pagkain at gamot.

Ang Malnupiravir ay pinipigilan na maging severe at critical ang sakit na mild at moderate.

At kalahati sa mga maysakit ng mild at moderate ang nagagamot nito at kung gayo’y nakaliligtas din ito sa pagkakaospital at kamatayan.

MALNUPIRAVIR VS BAKUNA

Ito ang mahalagang usapin sa Malnupiravir at iba pang katulad nitong gamot.

Ginagamit lang ito sa mga tinamaan na ng sakit at hindi pwedeng inumin ito habang wala pang sakit ang tao.

Ang bakuna naman ay gamit laban sa pagkakaroon ng sakit o tagapigil ng pagkakasakit.

Kung matamaan ka naman, mas malamang na hindi ka magkakaroon ng severe at kritikal na kalagayan o maospital o mamatay.

Napakalaki ang pagkakaiba.

MAGPABAKUNA NA

Kaya naman, hindi dapat na maghintay ang isang Pinoy na magkasakit siya bago siya gamutin ng Malnupiravir at iba pa lalo’t kakaunti pa lang ang suplay nito sa Pinas.

Mas maiging magpabakuna siya laban sa COVID-19 para may panlaban kaagad sa pagdapo ng virus upang hindi siya magkasakit.

An ounce of prevention is better than cure, sabi nga ng mga doktor.

Ngayon nga, mahigit nang 100 milyong dose ang natanggap ng Pinas na bakuna at pukpukan ang pagbabakuna, maging sa mga barangay.

Sa mga lugar na marami ang suplay ng bakuna, masasabing wala nang dahilan upang hindi mabakunahan ang mga dapat mabakunahan.

Nagsimula na nga ring magkaroon ng mga booster shot at pagbabakuna sa mga batang edad 12-17 anyos at palatandaan ito ng dami na ng bakunang itinuturok sa mga mamamayan.

50-70M HANGGANG DISYEMBRE

Naglalaro sa 50-70 milyon ang target ng ating gobyerno na mabakunahan hanggang sa katapusan ng taong ito.

Ito’y para makamit natin ang kahit papaano’y pagkakapigil ng pananalasa ng COVID-19 sa maraming Pinoy sa mga susunod na panahon.

Sana obligahin ng mga hindi pa nababakunahan ang kanilang sarili na magpabakuna para hindi sila kapitan ng sakit at maging ang kanilang pamilya.

At sa huli, makapamuhay na tayo nang normal at makabangon mula sa matindi at malawak na kahirapan.