Gang lider, 3 pa arestado sa P274K shabu

Gang lider, 3 pa arestado sa P274K shabu

July 18, 2022 @ 9:45 AM 4 weeks ago


GAPAN CITY, Nueva Ecija –Arestado ang isang lider ng robbery at drug syndicate, kasama ang tatlong iba, matapos mahuli sa aktong “bumabatak” ng shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad noong Sabado sa bayang ito.

Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Gapan City Regional Trial Court, nadakip ang lider ng sindikato na si Marlon Salvador, 37, ng Brgy. Mahipon, Gapan City.

Nahuli rin ang tatlo pang suspek na sina Richard Ising, 40, ng Minit, Surigao del Norte; at magkapatid na Arnel at Raymond Morales, mga tubong Lubang, Occidental Mindoro at naninirahan sa Barangay Bungo ng naturang lungsod.

Ayon kay Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Gapan City Police Station, si Salvador ay isa sa itinuturing na high-value target at kabilang sa Central Luzon’s top 10 drug personalities.

Sa pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay ni Salvador, nahuli siya at ang tatlo sa akto na gumagamit ng iligal na droga.

Nasamsam sa mga suspek ang 1 shotgun, isang .22 caliber rifle, isang .38 cal. revolver, airgun, hand grenade at mga bala.

Nakuha rin sa mga suspek ang 6 pakete ng hinihinalang shabu na nasa 40.4 gramo at tinatayang P274,720 ang halaga at drug paraphernalias.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Acts 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang mga suspek. Elsa Navallo/Mary Anne Sapico