Gapo mayor, inapela ang suspensyon sa CA

Gapo mayor, inapela ang suspensyon sa CA

August 7, 2018 @ 1:53 PM 5 years ago


 

Olongapo City – Umapela ang alkalde ng Olongapo City, Zambales sa Court of Appeals (CA) kontra sa suspension order ng Office of the Ombudsman hinggil sa kasong simple misconduct.

Ani Mayor Rolen Paulino, pinasisibak din nila ang ilan sa mga konsehal na nagdiin sa kanila dahil bukod sa kulang ng imbestigasyon, hindi rin umano patas ang desisyon at hindi napapanahon ang pagpapataw nito dahil nasa state of calamity pa ang siyudad.

Nag-ugat ang kaso sa patung-patong na reklamong inihain ni Sen. Richard Gordon at isang pribadong indibidwal na kumu-kwestyon sa development projects ng Olongapo City.

Ibinasura ng Ombudsman ang mga kasong graft, grave abuse at dishonesty laban kay Paulino ngunit iniwan ang simple misconduct.

Noong Lunes, nag-picket ang ilang empleyado at residente ng Olongapo City sa tapat ng city hall bilang suporta sa mga hinatulang opisyal.

Ani Paulino, handa silang sumunod sa suspensyon pero hayaan daw muna sanang maayos nila ang kasalukuyang problema ng Olongapo.

Ayon naman kay Olongapo Councilor Eduardo Piano, over acting ang ginawang rally ng mga supporters ni Rolen.

Suspensyon lamang umano ang hatol kay Paulino at hindi pagpapatalsik, kaya kung may sinisira sila ay yun pa ring nakaupong mayor.

Ayon naman sa grupong MAGTANGGOL (Mga Taumbayang Nagsusulong ng Good Governance sa Olongapo), kulang ang suspensyon sa dami ng kasalanan ni Paulino ngunit mananahimik muna sila.

Saka na umano nila bubulatlatin uli ang katiwaliang may kinalaman sa pagpaparenta sa SM Prime Holdings Corporation ng 25 hanggang 50 taon sa Olongapo Civic Center.

Ayon sa kanila, hindi kailangan ng lungsod ang isa pang mall dahil may SM City na sa Magsaysay Drive at may Harbor Point Ayala Mall sa SBMA.

Ito umano ang dahilan kaya tumitindi ang problema sa traffic, polusyon, at kriminalidad sa Olongapo.

Posible rin umanong ito ang dahilan kaya kaunting ulan lamang ay nasa state of calamity na agad ang Olongapo. (Nenet L. Villafania)