GARAPAL NA NAMAN ANG MGA KRIMINAL

GARAPAL NA NAMAN ANG MGA KRIMINAL

February 27, 2023 @ 10:51 AM 1 month ago


HALATANG dismayado si Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa mga nangyayaring krimen nitong mga nakaraang araw.

Ang sabi nga niya, garapal na naman ang mga kriminal. Para sa akin, hindi lang sila mga garapal kundi ang lalakas pa ng loob.

Noong nakaraang Miyerkoles, inambus ang alkalde ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur na si Ohto Caumbo Montawal habang sakay sa Toyota Hi-Ace van sa Roxas Boulevard service road sa Pasay City. Dalawang armadong lalaki ang lumapit sa sasakyan at pinagbabaril ang biktima.

Siyempre, matagumpay na nakatakas ang mga salarin.

Tinamaan ng bala si Montawal sa balakang at kaliwang braso pero nakaligtas siya sa ambush.

Inambus din ng mga armado noong Feb. 17 ang convoy ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Bukidnon. Himalang nakaligtas si Adiong subalit namatay ang apat niyang kasama.

Naubos naman ang lahat ng sakay ng isang Starex van sa harap ng isang elementary school sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya matapos paulanan ng bala ng mga armadong lalaki.

Patay si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan at ang lima niyang kasama.

Ayon sa mga saksi, ang mga salarin ay nakauniporme ng pulis pero mabilis sa pagtanggi ang Philippine National Police na miyembro nila ang mga salarin. Ang ginamit na getaway vehicle ng mga suspek na Mitsubishi Adventure ay inabandona at natagpuang sunog sa Solano.

Sa Makati City ay hinoldap at pinatay naman ang New Zealand tourist na si Nicolas Peter Stacey habang naglalakad kasama ang nobyang Filipina. Nanlaban daw si Stacey kaya binaril ng holdaper.

Mabuti na lang at may CCTV camera sa crime scene kaya namukhaan ang isa sa salarin, si John Mar Manalo, na agad sumuko sa Pasig Police nang maglagay ng “patong” sa kanyang ulo ang mga awtoridad.

Hindi ba nagtataka si Sec, Abalos kung bakit napakagagarapal at ang lalakas na naman ng loob ng mga kriminal? Hindi ba niya ito tinanong kay Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr.? Ano ba kasi ang pinagkakaabalahan ng PNP at nangyayari na naman ang mga karumal-dumal na krimen?

May nakikita naman tayong kaliwa’t kanang police checkpoint pero bakit nakalulusot pa rin ang mga armadong kriminal at nakagagawa ng krimen? Saan nagkulang ang pulisya?

Kung ang mga opisyal ng gobyerno ay hindi pinatatawad ng mga kriminal kahit mayroon na silang bodyguards, paano na ang kaligtasan ng buhay ng publiko at sibilyan?

Aba’y sayang naman ang mga sasakyang binili ng PNP kung hindi ito makikitang umiikot-ikot para magbantay sa lansangan laban sa masasamang loob.

Sayang naman ang itinaas sa suweldo ng mga pulis kung karamihan sa kanila ay “natutulog lang sa pansitan” kaya naglalabasan sa lungga ang mga kriminal.

Sayang naman ang training ng mga pulis sa paghuli ng mga kriminal kung pinahahabol at pinaglalaruan lang sila ng mga ito.

Bumuti na noon ang seguridad sa lansangan sa panahon nang panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil pawang dala ng mga pulis ang kanilang “balls” kapag nagtrabaho.

Pero ano itong nangyayari ngayon?

Heto na naman…ilang pag-atake pa kaya ng mga kriminal ang ating bibilangin?