Garcia: Dagdag-pondo para sa BSKE, malalaman pagkatapos ng voter registration

Garcia: Dagdag-pondo para sa BSKE, malalaman pagkatapos ng voter registration

January 23, 2023 @ 7:28 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Malalaman ng Commission on Elections (Comelec) kung kakailanganin ng karagdagang pondo para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) pagkatapos ng voter registration.

Ayon ito kay Comelec Chairman George Garcia dahil napakahirap aniyang manghingi basta-basta ng dagdag na pera kung hindi pa malaman kung ilan ang nagparehistro.

“Mas maganda ngayon na after natin magparehistro tsaka po tayo pupunta sa Kongreso dahil alam na natin ngayon ilan ang nadagdag, ilan ang kailangang presinto, ilan ang kailangang guro at ilan yung election paraphernalia na kakailanganin dahil kapos dahil nakabase ang ating computation [ng budget] doon sa list of voters na 91 million na para sa December 5, 2022,” pahayag ni Garcia.

Sa ngayon patuloy ang pagdagsa ng mga registrants sa mga itinalagang registration sites at mga piling mall sa Metro Manila para magparehistro.

Tatagal na lamang ang voter registration hanggang January 31.

Ang Comelec ay nabigyan ng P8.4 bilyon para sa dapat sanang BSKE noong 2022.

Ngunit dahil naipagpaliban sa 2022, humirit ang Comelec sa Kongreso para sa karagdagang pondo na P10 bilyon bukod pa sa P8.4 bilyon.

Gayunman, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa maglalaan lamang ang Kongreso ng P2.7 bilyon sa ilalim ng national budget ngayong taon.

Sinabi ni Garcia noong Sabado na maaaring mangailangan sila ng isa pang P2.7 hanggang P3 bilyon para sa taong ito kung magrerehistro ang Comelec ng mahigit isang milyong bagong botante para sa 2023 BSKE.

Noong Enero 13, nakapagrehistro na ang Comelec ng 1.024 milyong bagong botante. Jocelyn Tabangcura-Domenden