Garcia sa debate mess: Napahiya ang Comelec

Garcia sa debate mess: Napahiya ang Comelec

April 24, 2022 @ 11:16 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na matatapos sa loob ng linggong ito ang kanilang imbestigasyon sa kabiguan ng kanilang partner event organizer na bayaran ang hotel na ginagamit na venue sa presidential at vice presidential debates nito.

Sa isang interbyu, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na pinangungunahan ni Commissioner Rey Bulay ang imbestigasyon sa kontrobersya kung saan napilitan ang polol body na kanselahin ang dalawa nitong huling debate nan aka-schedule sana ngayong April 23 at 24.

“Binigyan niya hanggang bukas ang lahat na mag-submit ng lahat-lahat dahil sabi nga niya, ‘Bilang isang piskal, aalamin ko ‘yan sino ang may liability, ano ang dapat na aksyon na meron ang Komisyon’,” aniya.

“Hindi puwedeng palampasin lamang nang ganun-ganun, dahil nga… to a certain extent… napahiya din naman nang kahit paano ang Commission on Election dito sa bagay na ito,” dagdag pa ni Garcia.

Nabatid na ipinagpaliban ng Comelec sa April 30 at May 1 ang vice presidential at presidential debates.

Ito ay makaraang mabunyag na hindi pa pala nababayaran ng Impact Hub Manila ang kulang nitong P14 million sa Sofitel Philippine Plaza.

Ayon sa Sofitel, makailang beses silang binigyan ng Impact Hub ng talbog na tseke.

“Hopefully, bago matapos ang Friday na ito ay atin pong malalaman na kung anong result ng investigation,” saad pa ni Garcia.

Tiniyak naman ng Commissioner na magiging transparent ang poll body sa kung anuman ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

“We will be very, very transparent dahil walang katumbas ‘yong transparency doon sa kahihiyan na inabot, halimbawa, initially ng Commission on Elections,” giit niya.

Nakiusap naman ang Comelec sa publiko na huwag munang manghusga ng kahit sino habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa kabilang dako, nagpaliwanag na rin ang Impact Hub kung saan sinabi nitong ang kabiguan nilang makabayad sa Sofitel ay bunsod lamang ng hindi pagkakaunawaan at “miscommunication.”

Samantala, dahil sa nangyari ay ipinaubaya na ng Comelec ang pagsasagawa ng mga susunod na debate nito sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. RNT/ JCM