Garcia sa Kamara: Depinisyon ng vote-buying linawin

Garcia sa Kamara: Depinisyon ng vote-buying linawin

August 9, 2022 @ 2:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Commission on Elections Chairman George Garcia nitong Martes sa Kongreso na tahasang tukuyin ang vote-buying kasunod ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong ideklara ang pagkakasala sa halalan bilang isang heinous crime.

“Sa aking palagay po para maging mas effective ‘yung penalty na ipapataw natin sa pamimili ng boto, kung ‘yan ay mas tataasan lalo dapat po muna nating i-define nang maayos, i-enumerate ano ang mga pamimili ng boto sa kasalukuyang panahon natin,” sabi ni Garcia sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Ipinaliwanag ni Garcia na ang Omnibus Election Code, na pinagtibay noong 1985, ay maaaring hindi na maging epektibo sa pagpaparusa sa mga bagong anyo ng vote-buying.

“Nung panahon na ‘yun, ‘di pa uso ang pamimili sa pamamagitan ng online, sa pamamagitan ng makabagong pagpapadala ng pera, ‘yung mga pamimigay ng kung ano ano,” sabi pa ni Garcia.

Aniya dati ay hindi pa kinokonsiderang vote-buying kaya nangangahulogan na hindi sapat ang nasabing batas o depinisyon kung pag-uusapan ay vote-buying.

Sa pagtukoy ng vite-buying, sinabi ni Garcia na dapat tugunan ng Kongreso ang “loopholes” ng umiiral na batas.

Sina Malasakit at Bayanihan Party-List Representative Anthony Golez ay naghain ng panukalang batas na nagdedeklara ng vote-buying bilang isang karumal-dumal na krimen.

Sa ilalim ng House Bill 1709, ang pagbili ng boto ay binibigyang kahulugan bilang pagbibigay at pag-aalok ng pera o anumang bagay na may halaga kabilang ang pangako ng trabaho sa anumang opisina, at pagbibigay ng pribado o pampublikong kontrata kapalit ng mga boto sa panahon ng halalan.

Ang mga mamimili at partidong pampulitika na mapapatunayang nagkasala sa pagbili ng boto ay maaaring maharap sa 20 hanggang 40 taong pagkakakulong, multa na mas mababa sa P5 milyon, at walang hanggang diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong tungkulin sa ilalim ng panukalang batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden