Garcia tutol sa COVID-19 vaccination sa polling precincts

Garcia tutol sa COVID-19 vaccination sa polling precincts

May 4, 2022 @ 1:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia nitong Miyerkules na tutol siya sa paglalagay ng COVID-19 vaccination sites sa polling precincts dahil hindi umano ito ang tamang venue at maaaring maging sanhi ng kalituhan sa mga botante sa Halalan 2022.

“Ako po personally, as a member of the Commission, mukhang hindi po yata tama, sa aking palagay. With all due respect sa DOH, siyempre po we have to focus sa elections muna. We have to allow our voters to vote first. ‘Wag na muna natin isabay sa pagboto,” paliwanag ni Garcia.

“Baka sabihin ng mga botante na requirement pala ang pagbabakuna eh baka matakot ‘yung iba na pumunta lalo na ‘yung unvaccinated dahil sa kanilang paniniwala kung personal man o religious o whatever,” aniya pa.

Sinabi ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, na miyembro rin ng DOH Technical Advisory Group, nitong Lunes na magiging madali para sa mga botante kung bibigyan sila ng oportunidad na mabakunahan ng COVID-19 vaccines o booster shots malapit sa voting precincts upang mapalawig ang vaccine coverage sa bansa.

Sa kabila ng pagbibigay-diin na hindi siya tutol sa pagbabakuna, nilinaw ni Garcia na ang Mayo 9 ay dapat na para lamang sa eleksyon at kontrolado ng Comelec ang polling centers kaya’t anuman ang mangyari ay sila ang may pananagutan dito.

Nang tanungin kung inirerekomenda niya ang pagsuspinde sa national vaccination upang makaboto ang publiko, tumugon siya ng, “Yes. Siguro naman hindi malaking kawalan din kung isang araw na lang ‘yun ay ma-reserve na natin sa pagboto ng mga kababayan natin.” RNT/SA