Manila, Philippines – Pumasok na ng the Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong may international name na “Maria” kaninang umaga (July 9) na may local name na ‘Gardo’.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), palalakasin ng bagyong ito ang habagat sa ilang parte ng Luzon at Visayas.
Uulanin ang Mimaropa at Western Visayas habang magkakaroon naman ng panaka-nakang pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, rehiyon ng Bicol, Zambales, Bataan at Aurora hanggang bukas, July 10.
Sabi ng PAGASA, ang ulan na dala ng habagat ay mararamdaman sa kanlurang bahagi ng Luzon hanggang Miyerkules.
Inabisuhan din ng ahensiya ang mga residente na nakatira sa mabababang bahagi at bulubunduking lugar sa posibleng banta ng pagbaha at landslides.
Delikado ring pumalaot sa hilaga at silangang baybayin ng Northern Luzon.
Huling namataan ang bagyong Gardo 1,325 kilometers silangan ng Basco, Batanes na may dalang hangin na 200 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso na nasa 245 kph.
Gumagalaw ito patungong west-northwest sa bilis na 30 kph. (Remate News team)