‘GARGANTUAN JOB’ FOR SEC. TULFO

‘GARGANTUAN JOB’ FOR SEC. TULFO

July 19, 2022 @ 6:41 PM 3 weeks ago


SA laki ng responsibilidad ng isang natalagang tagapamahala ng welfare department, kailangang ibuhos ni Sec. Erwin Tulfo ang kanyang oras para masigurong magagampanan nang maayos ang bago at challenging niyang trabaho.

Kilalang hard-working journalist ang bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development kaya tulad ng dapat asahan, wala itong oras na sinasayang dahil siya’y tumututok 24/7 sa kanyang trabaho.

‘Di pa nag-iinit ang puwet bilang DSWD chief pero ‘di na maikakaila ang marubdob na pagganap sa kanyang tungkulin dahil laman ito sa mga ulat sa telebisyon, radio, pahayagan, ganoon din sa online sites sa social media.

Ngayon ay panahon ng tag-ulan at bagyo. Inaasahan na ang baha o trahedya sa iba’t ibang lugar sa bansa kaya kailangang alerto ang DSWD para maisakatuparan ang nakaatang sa kanilang balikat na responsibilidad sa mamamayan.

Sa laki at lawak ng scope ng trabaho ng departamento dahil involved ang serbisyo at kawanggawa sa lipunan na milyon-milyon ang dapat tulungan, ito’y malaking pagsubok sa kakayanan ng natatalagang kalihim.

Noong early 2020, rumagasa ang COVID-19 na nagbunsod ng lockdowns, na naging dahilan ng pagkawala ng trabaho kaya’t on the rescue ang pamahalaan para magbigay ng ayuda sa milyon-milyon na pandemic victims.

Mahigit dalawang taon na nasa frontline ang DSWD para patuloy na tuparin ang trabahong ayuda distribution bukod pa sa dagdag trabaho na pag-ayuda sa mga biktima ng mga dumarating na sunog, baha, trahedya, at iba pa.

Gaano man kalaki ang ika nga ay tinawag ng isang welfare expert na ‘gargantuan’ job na haharapin ng DSWD chief, aba’y sa ganang atin ay yakang-yakang ito ni Tulfo.

Kumpara sa mga nagdaang bossing ng departamento, si Tulfo ay gumagana ang utak, iniiisip ang dapat, hindi lamang sa masistemang pamimigay ng ayuda, kundi tinututukan ang mga nangyayaring scam at katiwalian.

Halibawa’y ang katarantaduhan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na lantaran na sinasalaula ang tunay na purpose pero walang DSWD head na naglakas-loob na mag-imbestiga kundi si Tulfo lang.