Gastos ng Pinoy nakatutok sa hygiene, self-care ‘pag may kalamidad – Packworks

Gastos ng Pinoy nakatutok sa hygiene, self-care ‘pag may kalamidad – Packworks

September 28, 2022 @ 1:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumabas sa pag-aaral ng Philippine-based startup na Packworks na mas gumagastos ang Pinoy sa mga hygiene at self-care essentials tuwing may kalamidad.

Sa isang statement nitong Martes, Setyembre 27, lumabas umano sa kanilang pag-aaral na mas maraming Pinoy ang bumili ng shampoo at conditioner sa mga tindahan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre 2021, pagputok ng Bulkang Taal noong Marso 2022 at lindol sa Abra noong Hunyo 2022.

18% rin ng mga benta ng sari-sari store ay pawang mga produkto sa buhok samantala ang mga sabong panlaba naman ang pumangalawa sa 16%.

Lumabas rin sa kanilang pag-aaral na ikatlo o 15% sa kanilang datos na pinagka-gastusan ng mga Pinoy ay ang produktong may kinalaman sa oral at body care katulad ng sabon, toothpaste at deodorant, kasama na rin ang inumin at de lata.

Maliban dito, napag-alaman rin ng tindahan pa rin ang pinupuntahan ng mga Pinoy tuwing may kalamidad.

“The Philippines is a regular target of natural disasters because of its location at the Pacific Ring of Fire. Residents at the epicenter opt to buy their immediate necessities from a nearby ‘sari-sari’ store rather than go to big supermarkets,” ani Andres Montiel, head of data ng Packworks.

Ayon sa Philippine-based startups, ang mga datos para sa pag-aaral na ito ay nakuha nila sa pamamagitan ng kanilang imbensyon, ang Sari IQ business intelligence tool na nalalaman ang consumer behavior at spending habits ng mga Filipino sa pamamagitan ng pagbili sa mga sari-sari store. RNT/JGC