GAT ANDRES BONIFACIO Y DE CASTRO

GAT ANDRES BONIFACIO Y DE CASTRO

December 10, 2021 @ 8:10 AM 10 months ago


Si Gat Andres Bonifacio y de Castro (Nobyembre 30, 1863 – Mayo 10, 1897) ay Pilipino na makabayan at rebolusyonaryo na makikita sa ilang bantayog at liwasan sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ilan sa mga bantayog ang matatagpuan sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, sa Monumento ni Bonifacio sa Caloocan, sa Bonifacio Shrine sa Limbon, Indang, Cavite at sa Bonifacio Trial House sa Maragondon, Cavite.

Makikita rin si Andres Bonifacio sa P10 barya ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Binansagan siyang Ama ng Katipunan sa pagtatatag ng kilusang lumaban sa mga mananakop mula sa Espanya sa pamamagitan ng rebolusyon para sa kalayaan ng Pilipinas.

Ang Katipunan na ito ay ang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan (KKK) ng mga Anak ng Bayan.

Isinilang si Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila ng kaniyang mga magulang na sina Gng. Catalina De Castro Bonifacio at G. Santiago Bonifacio.

Dalawa ang kanyang naging kasintahan. Ang una ay si Monica Bonifacio taong 1880 hanggang 1890; at si Gregoria De Jesus taong 1893 hanggang 1897 at nagkaroon ng anak na si Andres Bonifacio y De Jesus.

Kinilalang pinuno ng rebolusyunaryong Pilipino si Gat Andres Bonifacio at kung hindi nakialam ang mga Amerikano sa kasaysayan ng Pilipinas, maituturing si Bonifacio bilang pinakaunang Pangulo ng Republika ng Pilipinas dahil sa pinamunuan niya noon ang itinatag na Republika ng Katagalugan.

Noong Marso 22, 1897, nagkaroon ng pagpupulong sa Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite (General Trias ngayon, Cavite), ang dalawang paksyon ng Katipunan na Magdíwang na pinamumunuan ni General Mariano Alvarez na tiyuhin ni Andres Bonifacio at Magdalo na pinamununuan naman ni Heneral Baldomero Aguinaldo na pinsan ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Tinatawag na Tejeros Convention tanging layunin ang mapagkaisa ang dalawang paksyon upang makabuo ng mga plano para mas mapalakas pa ang depensa ng lalawigan ng Cavite laban sa mga Kastila.

Gayunman, imbes na pagpaplano ang pakay, naiba ang pangyayari dahil biglang nagdesisyon ang mga lider ng Katipunan sa Cavite para sa pagtatatag ng isang bagong rebolusyonaryong gobyerno kapalit ng naunang Katipunan at maghalal ng bagong pamunuan para sa pagtatag ng Republika.

Si Gat Andres Bonifacio ay mariing tumutol dito at iginiit na may umiiral nang Pamahalaang Katipunan o Republika ng mga Katagalugan at konstitusyong sinusunod. Subalit mas nanaig ang kagustuhan ng mga Kabitenyong Magdalo.

Mas marami at malakas ang tinig ng paksyong Magdalo na dumalo kaysa sa Magdiwang kaya nanaig ang kagustuhan na magtatag ng rebolusyunaryong gobyerno at maghalal ng bagong pamunuan.

Pumayag si Andres Bonifacio na pamunuan ang halalan sa garantiyang igagalang ng lahat ang kabuuang kalababasan ng mga mananalo.

(MAY KARUGTONG)