Gatchalian: Pagtanggal ng foreign ownership cap sa renewable energy magpaparami ng investors

Gatchalian: Pagtanggal ng foreign ownership cap sa renewable energy magpaparami ng investors

October 9, 2022 @ 2:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang tataas ang bilang ng mga mamumuhunan sa renewable energy (RE) kasunod ng paglabas ng opinyon ng Department of Justice (DOJ) na ang mga likas na yaman kabilang ang solar, wind, hydro at ocean o tidal energies ay hindi sakop ng limitasyon ng konstitusyon sa foreign ownership, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Pero kailangan munang amyendahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9513 o ang Renewable Energy Act of 2008.

“Ang pag-alis ng 40% foreign ownership limitation ay isang game-changer. Inilalagay nito ang bansa sa tamang daan upang makaakit tayo ng mga investors para lalo tayong makapagtatag ng mas maraming renewable energy facilities na makakatugon sa mga isyu ng climate change pati na sa mataas na presyo ng langis sa gitna ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine,” sabi ni Gatchalian.

Ang pagdami ng investments sa RE facilities sa bansa, aniya, ay inaasahang magpapababa ng presyo ng kuryente sa kalaunan bukod pa sa oportunidad na makalikha ng mga trabaho sa mga komunidad kung saan itatatag ang mga renewable facilities na ito.

Ayon kay Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Energy, ang kawalan ng limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga pasilidad ng RE ay sumusuporta din sa isang Department of Energy (DOE) decision na taasan ang paggamit ng RE para sa mga tinatawag na on-grid areas mula 1% hanggang 2.52% na magiging epektibo pagdating ng 2023. Ito ay alinsunod na rin sa target ng ahensya na palakasin ang paggamit ng malinis na enerhiya.

Ayon pa rin sa mambabatas, ang pagtaas na ito ay makakatulong sa bansa na mabawasan ang pagiging dependent sa fossil fuel at coal-based power plants.

Sa ngayon, may kabuuang 998 na mga kontrata ng RE na aprubado ng DOE at may katumbas na humigit-kumulang Php270 bilyon na investments.

Ang mga naturang kontrata ay may kabuuang kapasidad na 5,460 megawatts (MW) at potensyal na kapasidad na 61,613.81MW.

“Ang anumang mapagkukunan ng enerhiya sa loob ng bansa ay magiging malaking tulong sa mga consumers at sa ating ekonomiya. Ito ay lalong kritikal ngayong nakakaranas tayo ng pabago-bagong presyo ng enerhiya na maaaring makapigil sa paglago ng ating ekonomiya,” dagdag ni Gatchalian. Ernie Reyes