Gatchalian sa scammer na gumagamit ng e-SIM: Malapit na kayong makulong

Gatchalian sa scammer na gumagamit ng e-SIM: Malapit na kayong makulong

December 10, 2021 @ 4:15 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Win Gatchalian na walang kawala ang mga kawatan na gumagamit ng eSIM o embedded subscriber identity module, isang digital SIM, na direktang nakalagay sa mga smartphones, tablets o laptops upang makakonekta sa mga operator o network provider.

Isusulong ni Gatchalian na isama sa panukalang SIM Card Registration Act ang pagpaparehistro ng eSIM upang mapigilan ang hacking ng mga cyber criminals sa bank accounts gamit ang mga pinakabagong gadgets.

“Kailangan nating makipagsabayan sa mga pinakabagong teknolohiya at ang isang nauuso sa ngayon ay ang eSIM na gumagana kagaya ng tradisyunal o aktuwal na SIM card,” ani Gatchalian, isa sa may-akda ng Senate Bill No. 2395.

“Mabilis mag-upgrade ang mga mobile devices at habang nagiging mas moderno ang mga ganitong instrumento ng mga scammers, nagiging mas malikhain din sila sa pagsasagawa ng mga modus nila. Kaya dapat isaalang-alang nating maisama ito sa panukalang batas na pagpaparehistro ng SIM cards,” dagdag pa ng senador.

Hindi pa sakop ng pinapanukalang SIM Card Registration ang eSIM. Ang nasabing panukala ay nag-aatas na iparehistro ang mga tradisyunal na SIM card o ang chip na inilalagay sa loob ng mga mobile phones.

Sa ilalim ng panukalang batas, inoobliga ang mga telecommunications companies na irehistro ang mga bibili ng mga SIM card bago sila makabili nito. Ang ganitong hakbang ay upang maiwasan o masawata ang mga krimeng may kinalaman sa terorismo, text scam, unsolicited o obscene text messages, bank fraud o malawakang disinformation upang makapag dulot lamang ng kalituhan o kaguluhan sa publiko, paliwanag ni Gatchalian.

Sa nasabing panukala, ang mga nagmamay-ari na ng SIM card at may active services ay kinakailangan din na magparehistro sa Public Telecommunications Entities (PTEs) na kanilang network provider sa loob ng isang taon matapos maisabatas ito at ang kabiguang maisagawa ito ay magdudulot ng awtomatikong pag-deactivate o pagretiro ng SIM card number.

“Napakabilis magbago ng teknolohiya. Maaari nating isama ang rehistrasyon ng eSIM para walang kawala ang mga kawatan na nanloloko ng mga kababayan natin. Kaya electronic man o pisikal na SIM ang gamit, dapat iparehistro ito,” sabi ni Gatchalian.

Umaasa ang senador na maipapasa na ng Senado ang nasabing panukalang batas sa ikatlong pagbasa sa susunod na taon at magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa magiging pinal na bersyon upang maaprubahan ito bago matapos ang kasalukuyang 18th Congress nang sa gayon ay maging isa nang ganap na batas sa taong 2022. Ernie Reyes