Gatchalian sa sunod na admin: Kapakanan ng mga guro, tiyakin

Gatchalian sa sunod na admin: Kapakanan ng mga guro, tiyakin

June 13, 2022 @ 1:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Upang matugunan nang husto ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang susunod na administrasyon na tiyakin ang dekalidad na edukasyon at training o pagsasanay para sa mga guro.

“Kung maganda ang mismong pundasyon ng mga guro, inaasahang dekalidad din ang ibibigay nilang klase ng pagtuturo sa mga estudyante nila,” pagdidiin ni Gatchalian.

Ayon sa mambabatas, na mananatiling Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa 19th Congress, dapat gawing prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang agaran at epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713). Layon ng naturang batas na patatagin ang Teacher Education Council (TEC) at iangat ang kalidad ng training at edukasyon ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa tuluyang makapasok sa mga paaralan upang magturo. Nilagdaan noong Abril 27 ang naturang batas.

Paliwanag ni Gatchalian, ang susunod na Kalihim ng DepEd na si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ay may political capital upang ipatupad ang mga repormang tulad ng Excellence in Teacher Education Act. Ito ay kasunod ng mahigit animnapu’t isang porsyentong botong natanggap niya noong halalan. Sa ilalim ng batas, ang kalihim ng DepEd ang magiging Chairperson ng TEC, habang Vice Chairperson naman ang Chairman ng Commission on Higher Education o CHED.

“Kailangan natin ng political capital sa mga repormang ipapatupad natin. Kailangan din natin ng political will. Ngunit ang political capital ay kailangan nating gamitin nang husto upang mailunsad ang mga repormang nakasaad sa Basic Education Development Plan (BEDP) 2030,” sabi pa ng senador.

Ang BEDP 2030 ang roadmap na inilunsad ng DepEd upang maghatid at mag-angat ng dekalidad na edukasyon sa bansa. Paliwanag ni Gatchalian, ang Excellence in Teacher Education Act ay naaayon sa BEDP 2030.

Minamandato ng naturang batas ang TEC na magtalaga ng mga pamantayan sa mga programa sa teacher education. Ito ay upang matiyak ang isang matibay at transparent na ugnayan sa pagitan ng teacher education programs at professional standards para sa mga guro at mga school leaders, pananaliksik, at international best practices. Paiigtingin din ng batas ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, CHED, at Professional Regulation Commission O PRC.

“Binigyan natin ng mas malawak na kapangyarihan ang DepEd upang matiyak na tuloy-tuloy ang dekalidad na edukasyon at training sa mga guro mula pre-service hanggang in-service,” pahayag ni Gatchalian. Ernie Reyes