GCASH GAMIT SA VOTE BUYING

GCASH GAMIT SA VOTE BUYING

April 19, 2022 @ 2:07 PM 2 months ago


MAUGONG ang tsismis na babaha ang pera come election day dahil sa gagawing pamimili ng boto ng mga tusong kandidato gamit ang GCash kaya dapat na nakahanda ang Commission on Election hinggil sa nagbabadyang problemang ito.

Bukod sa COMELEC, nakahanda naman daw ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police  na hadlangan ang bantang ito, bukod pa sa iba’t ibang grupo na magmamatyag sa takbo ng darating na election.

Sa lahat ng naganap na nakalipas na election, ang darating na Mayo 9 ang kinakatakutan dahil sa  bali-balitang bilihan at bentahan ng boto gamit ang GCash, isang modernong pamamaraan para mapabilis ang pagpapadala ng pera.

Ito’y kumakalat na ulat pa lang, subalit ang babala ng mga eksperto, hindi dapat itong ipagwalang-bahala ng kinauukulan o ang pamahalaan dahil kapag nangyari ito, anila, masasalaula ang halalan.

Mantakin mo nga naman, ang maibobotong lider na maglilingkod sa bayan ay yaong mga walang karapatan na maging public servant na kaya nanalo sa election ay binili ang kanilang posisyon. Hindi dapat itong mangyari.

Ayon sa mga nakausap natin sa COMELEC, NBI at PNP, sila’y hindi nagpapatumpik-tumpik sa kanilang tungkulin dahil batid nilang may mga enterprising politician na mamimili ng boto para lang manalo.

Sa ngayon, may listahan na raw sila ng mga kandidato at politiko sa buong bansa at sa Metro Manila na sinisilip dahil sa impormasyong mamimili ng boto ang mga ito gamit ang GCash bago at sa araw ng election.

Sa inisyal nilang imbestigasyon, karamihan sa mga kandidatong may planong mag-vote-buying ang kulelat o may mababang survey rating. Kilalang mga politiko umano ang mga ito sa kasalukuyan na takot mawalan ng kapangyarihan.

Ang iba naman, kilala na ring mga politiko na natalo noong nakaraang election na nagbabalik-kandidato para muling mahalal at makakuha ng puwesto na matagal na tinanganan at pinagpasasaan.

Suhestiyon ko lang,  isang lugar na dapat sigurong bantayan ng kinauukulan ang Caloocan dahil sa lungsod na ito, maugong na maugong ang plano at gagawing pamimili ng isang kandidato manalo lamang.

In fairness kina Mayor Oca Malapitan at mayoralty candidate Rep. Along Malapitan, wala sa kanilang team ang napababalitang mag-vote-buying gamit ang GCash  kundi sa ibang political camp.

Sa mga botanteng tulad ko – dapat maging mapagmatyag. I-report kaagad sa COMELEC, NBI at PNP ang sinomang kandidato na bumibili ng boto, gayundi ang botanteng nagbebenta ng boto.

Malinaw na isinasaad sa Section 264  ng Omnibus election code  na ang mahuhuling bumibili at nagbebenta ng boto ay makukulong ng kulang isang (1) taon at hindi lalagpas ng anim (6) na taon.