GCash modus ng NBP jail guards ‘di uubra kay Catapang

GCash modus ng NBP jail guards ‘di uubra kay Catapang

January 25, 2023 @ 12:26 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Simula ngayon ay direkta na sa opisina ng New Bilibid Prisons maaaring kumuha ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng perang padala ng kanilang mahal sa buhay gamit ang GCash app.

Sinabi ni Bureau of Corrections OIC Gregorio Catapang Jr., na bahagi ito ng pagbabago sa loob ng bilibid upang matigil na ang modus ng ilang jail officers na kinakaltasan ng 12% ng BuCor guards o personnel ang ipinapadala ng mga kamag-anak ng inmates sa GCash.

Ayon kay Catapang, mula ngayon ay kailangan na dumirekta sa opisina ang inmate para doon kuhanin ang ipinadalang pera sa kanila at kakaltasan na lamang ng ₱30 pesos ang bawat transaksyon sa GCash.

Nilinaw ni Catapang na mismong ang mga inmate ang nagsabi sa kaniya hinggil sa malaking kaltas ng mga jail officers sa tuwing magpapa-encash sila.

“Gagawan natin ng sistema na ang mga tumatangap ng padala ay pupunta sa opisina at ipapa-register ang ipinadala sa kanila. Ang lahat ng transaction ay naka log book at video,” ani Catapang sa panayam sa telebisyon.

Pinaiimbistigahan na rin ni Catapang ang mga jail officers na pumapayag na ipatago sa kanila ang malaking pera ng ilang inmates.

Pinapayagan kasi aniya ang mga PDL na makatangap ng pera mula sa kanilang pamilya kada araw bilang allowance na hindi dapat lalagpas sa ₱2,000. Teresa Tavares