GEN. ESTOMO SUSUNOD NA PNP CHIEF?

GEN. ESTOMO SUSUNOD NA PNP CHIEF?

March 6, 2023 @ 1:57 AM 3 weeks ago


MALAKAS ang ugong sa loob ng Kampo Crame na si Police Major General Jonnel Estomo ay kabilang sa napupusuan ng ilang malapit na advisers ng Malacanang bilang contender ng susunod na pangkalahatang pinuno ng pambansang pulisya.

Sumingaw ang balita matapos ang nangyaring balasahan kung saan mula sa pagiging regional director ng National Capital Region Police Office, itinalaga si Estomo bilang Deputy Chief for Operations ng Philippine National Police, na pangatlong pinakamataas na posisyon sa hierarchy ng pulisya sa bansa.

Magre-retiro na kasi ang kasalukuyang PNP chief na si Police General Rodolfo Azurin Jr. sa darating na Abril kaya ngayon pa lang ay lumalabas na ang spekulasyon kung sino ang uupong kapalit nito.

Bagaman posible pa rin daw ang extension ng tour of duty ni Azurin bunsod sa siya ang inatasan na mangasiwa ng 5 Man Committee na bumubusisi sa halos isang libong 3rd level officers na nag-sumite ng kanilang courtesy resignation makaraang sumabog ang kontrobersyal na “ninja cops” kung saan idinawit umano ang ilang matataas na opisyal ng PNP noong nakaraang taon.

Kunsabagay,malaki ang magagawang pagbabago ng respetadong kasapi ng PMA Class ng 1992 na si Estomo dahil sa accomplishments nito noong siya pa ang pinuno ng Anti-Kidnapping Group at maitalagang regional director ng Bicol Police Provincial Office.

Dahil walang bahid ng anomang isyu ang pagkatao ng opisyal na ito kaugnay sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang pinuno ng PNP, isa si Estomo sa naunang tumalima sa utos ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na mag-sumite ng “courtesy resignation” na layunin naman na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis.

Subalit nasa kamay pa rin ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Commander -in -Chief kung sino ang kanyang ipapalit kay Azurin na nagpakitang- gilas din hinggil sa ilang pagbabago sa organisasyon, ‘yun nga lang at hindi naman kumbinsido ang ilan kabilang si dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald”Bato”Dela Rosa kung saan sinabi nito na walang asim at kulang sa tapang ang galaw ng awtoridad kaya tumaas ang krimen at bumalik umano sa pagtutulak ng droga ang dating pinatiklop na mga pusher noong kapanahunan niya.