GEN. JONNEL ESTOMO, NG NCRPO, MARAMING PINAHAHANGA

GEN. JONNEL ESTOMO, NG NCRPO, MARAMING PINAHAHANGA

September 7, 2022 @ 7:06 PM 4 weeks ago


MARAMING pinahahanga na alkalde mula sa Metro Manila itong regional director ng National Capital Region Police Office na si PBGen. Jonnel Estomo dahil sa kanyang magandang pag-uugali.

Hindi lang mga alkalde ang kanyang pinabilib sa kanyang pagiging ‘down to earth’ at ‘straight forward’ subalit maging ang mga opisyal at tauhan ng city hall na kanyang pinasyalan upang mag-courtesy call.

Ayon sa ilang nakausap ng PAKUROT , wala raw yabang sa katawan itong si Estomo at lahat silang nakita at nakaharap sa tinungong tanggapan ng alkalde ay kinausap na parang siya pa ang nahihiya sa kaharap na tulad niya ay itinuturing na “serbisyo publiko” o “lingkod ng bayan.”

Noon daw, hindi nila naririnig ang pangalan ni Estomo kaya inisip nila na hindi naman ito kagalingan. Pero nang makaharap nila ito, nasabi nilang “champion sa pakikisama” ang regional director ng NCRPO.

Para sa kaalaman ng marami, Colonel pa lang si Estomo ay sumikat na siya sa larangan nang pagseserbisyo sa pamahalaan at pamayanan dahil sa pagliligtas niya sa mga biktima ng kidnapping at pag-aresto sa mga salarin. Kasi nga siya ang naitalagang hepe ng Anti-kidnapping Group noong 2019 sa panahon ng pamumuno ni Gen. Oscar Albayalde sa PNP.

Noong 2020, naitalaga si Estomo bilang regional director ng Region 7 matapos ang termino ni General Albert Ignatius Ferro na hinangaan sa Cebu dahil sa maayos na pagpapatupad niya ng panuntunan sa paglaban sa COVID-19.

Naging maganda rin ang ginawang palakad ni Estomo sa Region 7 kung kaya’t hinangaan siya ng hindi lang ng mga opisyal ng lalawigan ng Cebu subalit maging ng Bohol, Negros Oriental at Siquijor.

Pero kapag usapin nang paglaban sa mga miyembro ng New People’s Army, diyan kilalang-kilala ng Bicolandia si Estomo dahil sa ginawa niyang paghuli at pagbawas sa mga teroristang grupo.

Ngayong nandito na sa Kamaynilaan si Estomo, bago ang pakulong ginawa nito sa mga naninirahan sa Metro Manila dahil binigyan nito ng kasiguruhan ang mga ito sa kanyang panunungkulan.

Ayon kay Estomo, habang natutulog ang mamamayan ng Metro Manila, gising naman ang mga pulis na kanyang mga tauhan upang bantayan ang mga ito at masiguro na walang mangyayari sa kanila at kanilang pamilya habang sila ay nagpapahinga.

Ipinangako rin ni Estomo na gagawin niyang ligtas ang kanyang pinamumunuang rehiyon kaya nga inilunsad niya ang S.A.F. E NCRPO na nangangahulugang S-een, A-ppreciated, F-elt at E-xtraordinary.

Nais ipakahulugan dito ni RD na kailangang makita ang mga pulis sa mga kalye at pamayanan upang mapagsilbihan nila ang mga mamamayan nang sa gayon ay maipakita nila na mahalaga ang mga pinagsisilbihan nila at ganoon din sila sa mga ito dahil nararamdaman naman ng mga pinagsisilbihan ang kanilang malasakit na kakaibang klase.