Gender-neutral uniform sa mga estudyante, sinimulan sa PLM

Gender-neutral uniform sa mga estudyante, sinimulan sa PLM

November 20, 2022 @ 11:04 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pormal nang inalis ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ang sex-based na panuntunan sa pagsusuot ng school uniform.

Dahil dito ay malaya nang makakapagsuot ang mga estudyante ng kahit anong kasuotan na nais nila anuman ang kasarian.

Sa isang statement, sinabi ng PLM na ang Administrative Order No. 21-ACA na inilabas noong Oktubre 26 ay naging epektibo na noong Nobyembre 16 na nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na magsuot ng plain white polo na may patch ng PLM, white blouse at tinernohan ng blue-gray na pants o skirt.

Ang mga unipormeng ito ay isusuot mula Lunes hanggang Huwebes samantala ang civilian clothes ay maaari namang isuot Biyernes hanggang Linggo na tinawag na “free day.”

“This is a simple yet meaningful gesture to demonstrate that PLM is a safe space for academic freedom and gender expression,” pahayag ni PLM president Emmanuel Leyco nitong Biyernes, Nobyembre 18.

Masaya itong tinanggap ng LGBTQIA+ community sa naturang unibersidad.

Exempted naman sa pagsusuot ng PLM uniform ang mga estudyanteng may medical condition, religious beliefs o cultural tradition na hindi kayang makapagsuot ng naturang uniporme. RNT/JGC